CLICKBAIT ni JO BARLIZO
BULONG-BULUNGAN ngayon na may umagos na pondo sa paglitaw ng 18 indibidwal na nagpakilalang mga dating Marines.
Dito lumutang ang pangalan ni dating House Speaker Martin Romualdez.
Nagulat ba kayo? Nalito? Tama, ‘yan daw kasi talaga ang plano – lituhin ang publiko at pahinain ang imbestigasyon tungkol sa flood control corruption na nag-uugnay kay Romualdez sa malalaking kickback. Sa sandaling madamay ang iba pang kilalang personalidad, nababawasan ang pansin sa kanya at nailalayo ang usapin sa mga tunay na may pananagutan kung saan siya ang pangunahing itinuturo.
Hindi man kapani-paniwala para sa marami ang kuwento ng “Maleta soldiers”, nagtagumpay pa rin ito sa paglikha ng kalituhan at pagdududa kung totoo nga bang naganap ang sinasabing pinakamalaking pagnanakaw sa kasaysayan ng bansa.
Patuloy na itinatanggi ng mga politikong nadawit ang mga paratang ng 18 “ex-Marines” habang nananatiling walang pahayag si Romualdez. Ipinakikita lamang nito na ligtas pa rin siya sa gitna ng kontrobersiya.
Maging ang Department of Justice at Office of the Ombudsman ay nakatutok ngayon sa pagbusisi sa testimonya ng 18 “ex-Marines” kahit matagal nang may duda sa katotohanan ng pahayag.
Kaya para sa mga nagpalutang ng teoryang ito, malinaw na layunin ni Romualdez ay mailayo ang sarili sa kaso at maiwasan ang posibilidad ng pagkakapiit. Naisama rin sa isyu ang kanyang mga kaalyado sa Senado na sina Senate President Tito Sotto at Senator Loren Legarda na tumulong sa pagdepensa sa kanya nang papalapit na sa kanya ang Senate Blue Ribbon Committee na pinamunuan noon ni Senator Rodante Marcoleta.
Nagkaroon ng pagbabago sa liderato ng Senado sa panahong halos maipit na si Romualdez sa imbestigasyon ni Marcoleta. Totoo rin kaya na si Romualdez ang nagmaniobra upang mailagay si Sotto sa pinakamataas na posisyon sa Senado?
Kung noon ay magkakatulong, ngayon ay nagkakanya-kanya na. Tunay ngang sa panahon ng krisis lumilitaw kung sino ang tunay na kakampi.
Dumadalas ang paglutang ng mga kontrobersyal na kwento. Kapani-paniwala man o hindi, nasa taumbayan na kung paano nila susuriin ang mga ito.
135 