SINGAPORE URBAN FARMING POSIBLENG SAGOT SA FOOD SECURITY NG MAYNILA

PUNTO DE BISTA ni BAMBI PURISIMA

NAKIPAGPULONG si Manila City Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso sa mga senior fellow ng ISEAS – Yusof Ishak Institute noong Biyernes, Enero 16, bilang bahagi ng patuloy na pagrepaso ng lungsod sa mga estratehiya sa food security at urban agriculture na angkop para sa mga lungsod na may mataas na densidad ng populasyon.

Nakipagpalitan ng pananaw si Moreno kina Propesor Paul Teng at Ms. Elyssa Ludher, kung saan tinalakay kung paano unti-unting inilipat ng Singapore ang bahagi ng kanilang produksyon ng pagkain sa mga urban at peri-urban na lugar sa nakalipas na mga taon.

Ayon kay Teng, malaki na ang ipinagbago ng agri-food system ng Singapore mula noong 2019, kung saan mas isinasagawa na ang pagsasaka sa mga “pabrika, rooftop, at iba pang urban na kapaligiran,” kasabay ng pagpapalawak ng aquaculture sa mga baybaying-dagat.

“Hindi lamang gulay ang tinututukan. Dahil may 64 na isla ang Singapore at malawak na coastal seas, nagpasya rin ang gobyerno na magsagawa ng aquaculture sa mga lugar na ito,” ani Teng.

Ipinaliwanag niya ang iba’t ibang uri ng sakahan sa Singapore, mula sa open-air na soil-based farms at mga shaded greenhouse, hanggang sa rooftop farms at indoor controlled-environment agriculture.

Binigyang-diin ni Teng na mahigpit na nire-regulate ang mga sakahang ito, at tanging ang mga may lisensya mula sa Singapore Food Agency lamang ang maaaring magbenta ng kanilang ani.

“Maaari kang magtanim, ngunit hindi ka maaaring magbenta kung wala kang lisensya. Napakahalaga ng legal na pagkakaibang iyan,” aniya.

Dagdag pa ni Teng, patuloy ring dumarami ang mga community at household garden sa buong Singapore, lalo na sa mga residential area at rooftop ng mga apartment, bagama’t nananatili itong hindi pang-komersyal.

“Nakakalikha sila ng de-kalidad na gulay, lalo na ang mga katutubong gulay, ngunit hindi sila pinapayagang magbenta. Maaari lamang itong ipagpalit o ipamigay,” paliwanag niya.

Bukod sa tradisyunal na pagsasaka, tinalakay rin ni Teng ang pagtutok ng Singapore sa mga makabagong teknolohiya sa pagkain sa nakalipas na dekada, kabilang ang cultured meat, plant-based proteins, at precision fermentation.

“Ang ideya ay sa panahon ng pagkagambala sa supply chain, maaari tayong makalikha ng pagkain sa lokal gamit ang mga bioreactor,” aniya, habang kinikilala na limitado pa rin ang malawakang paggamit nito dahil sa mataas na gastos at teknolohikal na hamon.

Iginiit ni Teng na ang mga inisyatiba ng Singapore sa urban agriculture ay hindi pamalit kundi katuwang ng pag-angkat ng pagkain. “Lumayo na kami sa usaping food security lamang at mas nakatuon na ngayon sa resilience.

Ang resilience ay ang kakayahang sumalo at makayanan ang panandaliang pagkagambala,” ani Teng, sabay banggit sa mga aral mula sa mga restriksyon sa galaw at suplay noong pandemya ng COVID-19.

Tinalakay rin sa pulong ang mahahalagang teknolohiya tulad ng hydroponics, aquaponics, aeroponics, recirculating aquaculture systems, at mga unang modelo ng vertical farming, kabilang ang mga indoor na tinatawag na “plant factories.”

Ayon kay Moreno, magsisilbing mahalagang batayan ang mga impormasyong nakuha sa pulong para sa patuloy na pagsusuri ng Lungsod ng Maynila kung paano maaaring iangkop sa lokal na kalagayan ang urban agriculture at mga hakbang para sa food resilience.

***

Kamakailan ay umani na naman ng papuri ang Bureau of Customs-Ninoy Aquino International Airport mula kay Executive Secretary Ralph Recto sa nasamsam na P480K ilegal na droga.

Bahagi kasi ng direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang higpitan ang pagbabantay sa mga hangganan ng bansa at paigtingin ang kampanya kontra ilegal na droga.

Katuwang ng BoC-NAIA ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at ang NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG), nasabat ang isang inbound parcel na naglalaman ng ilegal na droga na nagkakahalaga ng tinatayang P480,400 sa Pasay City noong Enero 16, 2026.

Idineklara ang parcel bilang mga accessories at kendi, subalit isinailalim ito sa masusing pisikal na inspeksyon matapos makitaan ng kahina-hinalang palatandaan. Sa pagsusuri, nadiskubre ang humigit-kumulang 320 gramo ng tuyong marijuana o “kush” na may tinatayang halagang P480,000, gayundin ang walong (8) vape cartridges na naglalaman ng cannabis oil na nagkakahalaga ng P400.

Agad na isinuko sa PDEA ang mga nakumpiskang ebidensya at ang claimant para sa wastong disposisyon at pagsasampa ng kaso kaugnay ng paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, at Republic Act No. 10863 o Customs Modernization and Tariff Act.

Pinuri naman ni BOC Commissioner Ariel F. Nepomuceno ang pagiging mapagmatyag ng mga tauhan ng BOC-NAIA, at iginiit na patuloy ang ahensya sa pagpigil sa pagpasok ng ilegal na droga sa pamamagitan ng mga postal at courier channels upang mapangalagaan ang publiko.

Binigyang-diin naman ni District Collector Atty. Yasmin O. Mapa na sa pamamagitan ng mas pinaigting na inspeksyon at matibay na koordinasyon sa pakikipagtulungan sa PDEA, ay patuloy na magpapatupad ng mahigpit na inspeksyon upang masiguro na ang mga mail at cargo facilities ay hindi nagagamit para sa mga ilegal na droga.

***

Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon, sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com.

72

Related posts

Leave a Comment