SINITA SA DALANG ITAK NANAGA, 2 SUGATAN

AKLAN – Isinugod sa ospital ang magtiyuhin makaraang pagtatagain ng kainuman ng isa sa kanila nang sitahin ang suspek sa pagdadala ng itak, iniulat nitong Linggo ng gabi sa lalawigang ito.

Nilalapatan ng lunas sa Aklan Provincial Hospital ang magtiyuhing sina Jimmy Ingalla, 63-anyos, at Alvin Rivera, 41-anyos, kapwa residente ng Brgy. Sibalew, Banga, Aklan, habang nadakip naman ang suspek na kinilalangsi Ricky Recentes, 43-anyos, ng Torralba, Banga.

Batay sa report ng Banga-PNP, dakong alas-6:30 ng gabi nang mangyari ang insidente sa Brgy. Sibaliw ng nasabing bayan.

Lumabas sa imbestigasyon, bago ang insidente, nag-inuman ang magkaibigang Rivera at Recentes sa lugar at nang maubos ang kanilang alak ay lumabas pa ang mga ito ng bahay para maghanap ng tindahan na mabibilhan ng alak.

Nakarating sa nagtitinda ng barbecue ang magkaibigan at naabutan doon ang tiyuhin ni Rivera na si Ingala.

Magkaraang magkumustahan ang magtiyuhin ay umalis si Rivera para maghanap ng alak habang naiwan ang dalawa.

Hindi pa man nakalalayo si Rivera ay narinig niyang nagtatalo ang kanyang tiyuhin at ang suspek.

Aksidente umanong nakapa ni Ingala ang sukbit na itak ni Recentes kaya sinita ang huli na nagresulta sa kanilang pagtatalo.

Bunsod nito, binunot ng suspek ang kanyang itak at tinaga si Ingala na tinamaan sa siko.

Akmang muling tatagain ng suspek si Ingala ngunit sinangga ito ni Rivera dahilan ng pagkakasugat ng huli.

Pagkaraan ay tumakas ang suspek ngunit kalaunan ay nadakip sa follow-up operation ng mga awtoridad. (ANNIE PINEDA)

 

373

Related posts

Leave a Comment