Sinita sa ‘di pagsusuot ng face mask TRIKE DRIVER BUMUNOT NG BARIL, TIMBOG

MAKARAAN ang habulan ay nadakip ang isang 48-anyos na tricycle driver matapos na sitahin sa hindi pagsusuot ng face mask ngunit bumunot ng baril sa Tondo, Manila noong Miyerkoles ng hapon.

Kinilala ni P/Lt. Col. Harry Ruiz Lorenzo III, commander ng Manila Police District – Station 7, ang suspek na si Edgar Quilet y Fajardo, binata at residente ng D. Yuseco St., Tondo.

Batay sa ulat ni P/Cpl. Mark Anthony Navarro, may hawak ng kaso, bandang alas-2:20 ng hapon nang mangyari ang insidente sa Yuseco St. malapit sa Jose Abad Santos Avenue sa Tondo.

Ayon sa salaysay ni Pat. Sir Christian Joseph Pineda, nakatalaga sa Tayuman Police Community Precinct, sakop ng Station 7, habang nagsasagawa siya at kasamang dalawang pulis ng patrol operation, sa kahabaan ng Yuseco St. nang mamataan nila ang isang lalaki na nakatayo sa naturang lugar na walang suot na face mask.

Nilapitan nila ito upang sitahin nang biglang kunin ng suspek ang .38 kalibreng baril mula sa dala nitong bag at binalya si Pat. Pineda saka kumaripas ng takbo patungo sa maliit na eskinita.

Hinabol ito ng mga pulis hanggang sa nasukol at nakumpiska ang dalang baril.

Hinihinala ng pulisya na may balak gawing krimen ang suspek nang mamataan ito ng mga pulis sa lugar.

Masusing iniimbestigahan ng mga awtoridad ang suspek upang mabatid kung sangkot ito sa serye ng holdap sa Maynila.

Ang suspek ay nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 Art.151 (illegal possession of firearm) at Manila City Ordinance 8627 (mandatory use of face mask in all public places within city of Manila). (RENE CRISOSTOMO)

280

Related posts

Leave a Comment