DINAKIP ang isang lalaki nang makumpikshan ng ‘damo’ o pinatuyong dahon ng marijuana sa Caloocan City.
Pasado alas-4:00 ng madaling araw noong Setyembre 7 nang arestuhin sa Moises St., Barangay 150, ng lungsod si Dante V. Avila, 29, ng Barangay 150, Bagong Barrio, Caloocan..
Napag-alaman, nagsasagawa ng Oplan Galugad ang mga pulis sa nasabing lugar para sa pagpapatupad ng mga ordinansa ng lungsod at sa kampanya laban sa kriminalidad, kung saan nakita nila ang suspek na walang suot na face mask.
Agad nilang nilapitan ang suspek upang alamin ang pagkakakilanlan ngunit sa halip na sumunod ay sinubukan nitong tumakas subalit agad na napigilan at nang kapkapan ay nakumpiska sa kanya ang isang sachet na naglalaman ng mga tuyong dahon na hinihinalang marijuana na tinatayang 4.7 gramo at P564 ang street value.
Sasampahan ang suspek ng kasong paglabag sa City Ordinance No. 0862 (Mandatory Wearing of Face Mask), Art. 151 (Disobedience of a Person in Authority or his Agent) at Section 11 (Possession of Dangerous Drugs), Article II, Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (ALAIN AJERO)
