KAPE at BRANDY ni SONNY T. MALLARI
KOKONTING araw pa lang nakakulong si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa piitan ng International Criminal Court (ICC) sa bansang Netherlands ay malala na ang pagkakahati-hati ng mamamayang Pilipino.
Nakabilad sa buong mundo ang sigalot sa bansa dahil kulang na lang ay bumaha ng dugo sa social media lalo na sa Facebook.
Matalim ang murahan, palitan ng maaanghang na salita, bastusan at insultuhan sa pag-itan ng mga alipores ng mga Duterte at ni PBBM kabilang na rin ang aktibo pang mga kulayan at iba pang sektor na lumalahok sa makasarili at mababaw na giyera-pulitikal.
At ang nagaganap na awayan ay lalo pang pinalalala ng mga nagpapakalat ng mga mapanlinlang na impormasyon (hindi ko tinatawag na “fake news” dahil hindi naman maituturing na “news” sa totoong pamantayan) na may layunin lang na pag-apuyin pa ang damdamin ng mga nabubulagang mamamayan.
At ang malintik naman nito, kahit na ilan pang mga disipulo ni Digong na “vloggers” at “social media influencers” ang ipatawag sa Kongreso para magpaliwanag kasama na ang pag-iyak, hindi masasawata ang mga ito sa kanilang gawain na pagpapakalat ng mga pekeng impormasyon dahil ito ang ibinigay sa kanilang misyon ng kanilang patron.
Dahil nabantilaw na ang utak, kahit batid nilang walang basehan at kasinungalingan ang kanilang mga ipinahahayag, nakaliyad pa rin ang kanilang dibdib na panindigan ito sa Plaza Miranda at ipagsigawan sa buong mundo na totoo ang kanilang mga dakdak at ipinalalabas sa social media. Sa kasalukuyang panahon ay sila ang hukbo ni Joseph Goebbels, punong propagandista ni Hitler, na sumusunod sa paniniwalang: “A lie told a thousand times becomes the truth”.
Iginigiit din nila na may karapatan silang magpahayag ng kanilang opinyon sa ilalim ng umiiral na demokrasya, kesehodang may banta ng libelo. Inaabuso nila ang popular na pahayag ni Voltaire: “I may not agree with what you say, but I will defend to the death your right to say it”.
Ang nararapat na pag-ukulan ng panahon ng mga Pilipino ngayon ay ang seryosong paghahanda sa darating na eleksyon. Pag-aralan na nating pumili ng karapat-dapat na kandidato lalo na ang mga naghahangad na mapabilang sa Senado.
Iwaksi natin ang mga sikat na payaso’t artista, magnanakaw, kriminal at mga wala namang makabuluhang gagawin sa mataas na kapulungan kung hindi ang magbutas ng silya at dumekwat sa salapi ng taong bayan.
At sama-sama tayong manalangin sa Panginoong Diyos na basbasan at gabayan niya ang buong sambayanang Pilipino sa gagawin nating pagpapasya para sa magandang kinabukasan ng ating bansa at susunod na salinlahi.
##########
Sa masalimuot na isyu ngayon kay Digong, pati ang sagradong kalayaan ng pamamahayag ay nalalapastangan at nababaluktok na rin.
Para sa mga lehitimong mamamahayag, ang “press freedom” ay may kakawing na malaking responsibilidad.
Dahil ang paghahanap ng katotohanan ang tanging pokus ng propesyon kesehodang sinopamang diyos-diyosan sa lipunan ang tamaan, anomang balita o impormasyon ay dumaraan muna sa masinop na pagsusuri sa newsroom bago ito ilabas o ipabatid sa publiko.
Sa bawat balita ay nakataya ang pangalan ng diaryo, radyo, TV o social media news site kasama ang reporter.
Nakahanda silang managot sa batas kung walang kakatohanan ang kanilang balita o impormasyon. Ngunit ang mas matinding epekto ay ang mawawalang pagtitiwala ng mamamayan kung mali o hawsyaw ang inilabas na ulat. Giba ang reputasyon.
Taliwas sa naglipanang “vloggers” at “social media influencers”, walang keber ang mga ito sa kasagraduhan ng katotohanan at hindi nila inaambisyon na maging tagapagbandilyo nito. Wala silang hinahangad kung hindi ang umani ng “views,” “likes” at dumami pa ang mga bulag na “followers” sa bawat ilalabas nila sa kanilang plataporma. Kaya naman “bombastic,” “sensational,” o “explosive” ang bawat piyesa nila para madaling makaakit at makapanloko sa sinoman. Tumutulo ang laway nila sa papasok na pera kapalit ng maraming “views” bukod pa ang bayad ng kanilang kliyente na nasa likod ng pagpapakalat ng huwad at baluktot na mga impormasyon.
##########
Kahit na ano pang pag-iingay sa social media at protesta ang gawin ng mga alipores ni G. Duterte sa loob at labas ng bansa upang puwersahin ang ICC na ibalik siya sa Pilipinas, suntok sa buwan kung magaganap ito.
Sa paliwanag ni dating Supreme Court Justice Antonio Carpio, kung sakali man na mapatunayan na ilegal ang ginawang pag-aresto ng Interpol at PNP kay Digong, hindi obligado ang ICC na palayain o ibalik siya sa Pilipinas dahil hindi naman ang korte ang humuli sa kanya. Iba ang batas nila kumpara sa atin.
Ayon pa sa mahistrado, hindi mahalaga sa ICC kung paano dinala ang sinomang akusado sa kanilang hukuman. Basta’t nasa kanila na ang akusado, puwede na siyang litisin.
Ibig sabihin, hindi makababalik si Digong sa bansa sa malapit na hinaharap. Muli lang siyang makatatapak sa Pilipinas kung mapatutunayan ng kanyang mga abogado sa ICC na inosente siya at walang kinalaman sa libo-libong pinatay sa malagim na “drug war” noong kanyang administrasyon.
Sabi nga ni Vice President Sara Duterte, ipinauubaya na ng kanyang tatay ang kanyang kapalaranan sa Diyos. Ang hindi ko lang maintindihan ay kung sinong Diyos ang tinutukoy dahil maraming beses nang nilait at minura ni Digong ang itinuturing at kinikilala nating Panginoong Diyos. Pero kung bukal na nagbabalik-loob at humihingi ng patawad sa langit si G. Duterte, sasamahan ko siya sa pagdadasal.
Peksman!
