SINO ANG MGA GUSTONG MAGMANA NG PROBLEMA?

WALONG buwan na lang ay malalaman na natin kung sino ang gustong pumalit kay ­Pangulong Rodrigo Duterte at magmamana sa mga problema ng bansa na tiyak na magpapasakit sa kanyang ulo.

Sa ikalawang linggo ng Oktubre, sa ayaw at sa gusto ay kailangang maghain ng kanilang certificate of candidacy (COC) ang mga kakandito sa pagkapangulo, senador, congressmen, governor pababa sa konsehal ng bayan at lungsod.

Pero ang final list ay malalaman sa katapusan ng Disyembre 2021 dahil may naghain ng kanilang COC ang papalitan ng kanilang kapartido.

Istilo yan ng mga pulitiko. Kunwari hindi tatakbo at nag-oobserba lang kung sino ang kanilang makakalaban at kapag dehado ang mga kalaban, ay siya ang papalit dun sa kapartido na naghain ng kanyang COC.

Pero ang pinakakaabangan ay kung sino-sino ang gustong magmana sa problemang iiwanan ni Pangulong Duterte tulad ng halos P10 trillion utang ng ating bansa mula sa local at international financial institution.

Malalaman na rin natin kung sino-sino ang gustong magmamana sa problema sa ekonomiya ng bansa na bumagsak ng negative 9.5% dahil sa pandemya dahil sa ­COVID-19 na ikalawa sa pinaka-miserable mula noong 1947 o dalawang taon pagkatapos ng World War II.

Magkakaroon na rin ng mukha kung sino gustong mag-ayos sa problema sa pandemya lalo na’t may mga report na may mga tao sa paligid ng Pangulo na nagsasabi na hanggang 2023 pa makakamit ng Pilipinas ang tinatawag na herd immunity.

Makikita na rin natin kung sino-sino ang mga puwedeng umayos sa problema sa unemployment, food security, mataas na presyo ng mga bilihin, malalang kahirapan, pagkagutom, ang pataas na pataas na bilang ng mga kabataan na nabubuntis araw-araw, problema sa trapiko lalo na sa metro manila.

Isama mo pa dyan ang peace and order, problema sa droga na hanggang ngayon ay talamak pa rin, terorismo lalo na ang mga terror group sa Mindanao tulad ng Abu Sayyaf Group na hanggang ngayon ay naghahasik pa rin ng kaguluhan.

Magkakahugis na rin ang mukha ng mga pulitikong magmamana sa problema sa national security at pambansang soberenya lalo na sa usapin sa West Philippine Sea (WPS) na sinakop na ng China.

Ilan lang yan sa mga pangunahing problemang mamanahin ng susunod na Pangulo ng bansa pero magtataka ka ha, pinag-aagawan pa rin ang posisyon na ‘yan dahil sa dami ng mga gustong tumakbo sa pagkapangulo ngayon na pa lang.

May mga dating Pangulo ng bansa ang maganda ang aura pagkaupo pero pagkatapos ng anim na taong termino, biglang tumanda na ang itsura dahil siguro sa mga ­problema ng bansa.

Kabilang na dyan si dating Pangulong Noynoy Aquino III na malaki ang itinanda pagkatapos ng kanyang termino.

Parang siya lang ang tumanda pero yung mga nakapaligid sa kanya noon ay gumanda ang aura ha at nagsipagyaman pa ang karamihan.

Pero sa isang banda, hanga naman ako sa mga pulitikong gusto pa rin pamunuan ang ating bansa sa kabila ng sangkatutak na problema para resolbahin ang mga problemang ito para sa bayan.

Kailangan lang siguro nating mga botante na mamili kung sino sa kanila ang nararapat.

Sino ang tunay na nagmamahal sa bayan, nagpapahalaga sa bawat buhay at tutupad sa kanyang pangulo.

Dapat na tayong matuto at huwag na tayong papayag na maisahan muli ng mga pulitiko na nangangako ng buwan at butuin pero pagkatapos maluklok sasabihan tayo ng ‘bahala kayo sa buhay nyo”.

166

Related posts

Leave a Comment