CLICKBAIT ni JO BARLIZO
LUMIKHA ng dambuhalang trapiko sa internet at social media ang confidential, este kontrobersyal na pagpapahinto sa trapiko sa isa sa mga pangunahin, malawak at laging abala at okupadong lansangan.
Humantong pa sa balak ng pulisya na kasuhan ang sinasabing uploader ng video ng nangyaring traffic sa Commonwealth Avenue sa Quezon City, dahil sa umano’y convoy ni Vice President Sara Duterte.
Agad namang itinanggi ng kampo ng bise presidente na siya ang VIP na nakapamerwisyo.
Pinangalanan na ang nag-upload na pinagdiinan pang kritiko ni Duterte. Cybercrime daw ang isasampang kaso rito.
Aba, ang bilis matukoy, gaya ng pulis na sinibak dahil sa naganap na traffic jam.
Pero ‘yun very important person daw na dumaan at nagdulot ng matinding abala, ay hindi pa pinapangalanan.
Pinabulaanan naman ng pinaghihinalaan na siya ang kumuha ng video at wala rin daw siyang kaugnayan sa taong kumuha ng video. Ang video raw ay ipinadala lang ng kanyang kaibigan sa pamamagitan ng Facebook Messenger.
Kasalanan ba ng uploader ang ginawa niyang pagpapaalam sa publiko ng isang perwisyo sa karamihan para lang pagbigyan ang very important na pipol?
‘Yung abuso sa kapangyarihan, itatago na lang? Aba pati pala pagkakakilanlan ng importanteng taong dumaan ay pasok na rin sa nauusong confidential na ewan.
Sige, ipalagay na natin na kritiko ni Duterte ang uploader ngunit hindi ito problema dahil ang tunay na isyu ang abala sa trapiko.
Bakit siya kakasuhan? Ano ang gustong ipabatid sa pagsibak sa pulis na malinaw namang sumunod lang sa utos sa kanya?
Kung ang dalawa ay pinangalanan, eh bakit hindi tukuyin kung sino talaga ang espesyal na tao na ayaw abalahin ang biyahe kahit ang kapalit ay maipit ang mga ordinaryong motorista sa trapiko.
Tiyak na sumunod lang ang pulis sa utos ng nakatataas. Nais lang ng uploader na ipakita ang sistema ng hindi pantay na trato sa tao.
Kung hindi ihahayag ang VIP na naging dahilan ng pagpapahinto ng trapiko ay iisipin lalo ng publiko na may pinoprotektahan ang otoridad na makapangyarihang nilalang.
Lahat, VIP man, ordinaryong kailanman ay ayaw ituring na espesyal, ay dapat tiisin ang trapiko.
Nakasasawa ang sistema sa bansa. Tapos ang nasa pedestal ng kapangyarihan ay may gana pang magpahiwatig na sila ang agrabyado.
P13 NA MINIMUM FARE SA JEEP
Lumarga na ang pisong dagdag pasahe mula kahapon, Oktubre 8.
Ito ay matapos aprubahan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang P1 provisional o temporary fare increase sa mga tradisyunal at modern jeepney sa buong bansa.
May paalala rin ang LTFRB sa publiko. Ang inaprubahang pisong pansamantalang taas-pasahe sa mga pampublikong dyip ay idadagdag lamang sa minimum fare. Minimum fare lang ang magbabago at hindi ang pamasahe para sa mga susunod na kilometro. Dahil dito, hindi na kinakailangan ng mga tsuper o operator na magpaskil ng taripa.
Maliwanag. Dagdag kita sa mga driver pero karga-pasanin sa mga commuter.
Isipin mo na kapag 10 beses kang sumakay ay P10 rin ang madaragdag sa inilaan mong pamasahe.
Pasakit ito sa mga nagtatrabaho at sa lahat ng commuter na naghihigpit ng sinturon para mapagkasya ang kita.
Saka, pansamantala lang ang pisong dagdag. Lalong mabubugbog ang mga commuter kapag inaprubahan ng LTFRB ang pangunahing petisyon ng ilang transport group tungkol sa taas-pasahe.
Dinidinig pa ang petisyon at dedesisyunan ito para sa mas mataas na permanenteng dagdag-pasahe na isasagad sa limang piso.
Ito ang nakapanlulumong inaabangan kaya habang panay ang dagdag mo ng piso sa ngayon, ay ihanda mo na ang sarili sa mas mataas na presyo ng bawat abang mo ng jeep.
‘Yan tayo sa Pinas, ang mga ordinaryo laging nagsasakripisyo habang ang mga hinalal na lingkod-bayan ay hindi naman talagang naglilingkod kundi nagpapasarap at nagpapasasa sa dugo at pawis ng mamamayan.
