SINOVAC UNANG COVID VACCINE NA ITUTUROK SA PINOY

ANG COVID-19 vaccine na Sinovac mula sa China ang natatanging opsyon para sa pagbabakuna sa mga Pilipino hanggang sa kalagitnaan ng taon.

Ang first batch ng Sinovac vaccine ay nakatakdang dumating sa bansa sa Pebrero habang ang doses mula sa Western drug makers ay magiging available pa lamang sa buwan ng Hunyo.

“Pagdating po ng bakuna hanggang Hunyo, wala po talagang pilian ‘yan dahil iisa lang po ang bakuna na magiging available. Iyon nga po iyong galing sa Tsina,” ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque.

Kahapon, pinasaringan ni Sec. Roque ang mga Pilipino na mas pinipili ang COVID-19 vaccine mula sa US-based pharmaceutical giant Pfizer.

Sinabihan niya ang mga ito na huwag nang maging “choosy” sa bakunang ibibigay sa kanila ng pamahalaan.

Gayunman, sinabi ni vaccine czar Carlito Galvez na ang Pfizer vaccine ay maaaring dumating nang mas maaga kaysa Sinovac dahil ang pag-rollout nito ay pangangasiwaan ng COVAX Facility, isang global initiative na naglalayong tiyakin ang equitable access sa gamot.

Ang lahat ng bakuna na bibigyang awtorisasyon para sa emergency use ng local Food and Drug Administration ay mayroong “equal footing,” ayon naman kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire. (CHRISTIAN DALE)

94

Related posts

Leave a Comment