AGAD inatasan ni Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Benjamin Acorda Jr., ang National Capital Region Police Office (NCRPO) at Quezon City Police District (QCPD) na tutukan ang pamamaril sa photographer ng pahayagang Remate na si Joshua Abiad kamakalawa.
Inihayag ni PBGen. Red Maranan, PNP Public Information Office chief na siya ring focal person ng Presidential Task Force on Media Security, agad ding itinatag ang Special Investigation Task Group (SITG) Abiad upang magsagawa ng malalimang imbestigasyon sa pamamaril sa photojournalist na ikinasugat din ng kanyang tatlong pamangkin at isang bystander.
Layunin ng SITG na busisiin ang lahat ng mga ebidensya at testimonya ng mga saksi, mga kaanak at katrabaho ng biktima upang matukoy ang motibo sa likod ng pananambang.
Sinasabing si Abiad ay madalas tumatayong testigo sa mga anti-drug operation ng mga awtoridad at sa mga ginagawang imbentaryo sa mga drogang nasamsam sa drug operation.
Tiniyak naman ng PNP na makakamit ng mga biktima ang hustisya at papanagutin ang mastermind o mga sangkot sa krimen.
Matatandaang nitong Huwebes, pinagbabaril ng apat na hindi pa tukoy na mga salarin si Abiad, 37, na tinamaan ng dalawang bala sa katawan; sugatan din ang mga kasama niyang sina Renato Abiad, 41; tatlong pamangkin at ang bystander na si Jeffrey Cao, 47-anyos.
Lulan ang magkakamag-anak na Abiad sa kanilang silver na Ford Everest at papasok na sana sa kanilang bahay nang tambangan ng apat na kalalakihan sa Corumi Street malapit sa kanto ng Gazan Street sa Barangay Masambong, bandang alas-3:50 ng hapon.
Matapos ang pamamaril ay sumakay ang mga suspek sa kulay silver na Toyota Vios. Nakita rin sa CCTV na may back-up na motorsiklo ang mga salarin.
(JESSE KABEL RUIZ)
