MAGIGING alerto na ang binansagang “sleeping kaps” sa pagbabantay laban sa tinatawag na mga “superspreader” ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) upang hindi sila maaresto at makulong.
Inanunsiyo ito nitong Biyernes, Mayo 28, ni Interior and Local Government Secretary Eduardo Año makaraang mainis si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga punong barangay dahil hindi ginagampanan ang kanilang trabaho, tungkulin at obligasyon laban sa mga lumalabag sa health protocol tulad ng social distancing.
Idniin ni Año na kikilos na ang mga punong barangay laban sa mga pasimuno ng super spreader activities.
Ipinaliwanag ni Año na malaki at mahalaga ang papel ng mga punong barangay sa pagpapatupad ng mga direktiba ni Duterte.
Tanging punong barangay ang katuwang ng mga pamahalaang lokal sa pagpapatupad ng mga batas at alituntunin upang masigurong ligtas ang publiko laban sa COVID-19.
Dahil sa ginawang pagsasakongkreto ni Año sa papel ng punong barangay, inaasahan ng publiko na wala nang mga kapitan ng barangay na ‘natutulog sa pansitan’. (NELSON S. BADILLA)
160
