BINIGYANG-DIIN ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., sa kanyang ika-2 State of the Nation Address (SONA) nitong Lunes, Hulyo 24, 2023, na ‘BILANG NA ANG MGA ARAW NG SMUGGLERS’.
Base sa pananalita ni PBBM, sisiguraduhin n’yang malalagdaan ang panukalang batas na magpapataw ng mas mabigat ng parusa laban sa smugglers, hoarders, at nagmamanipula sa presyo ng mga bilihin.
Lalo na sa agri-products na nagmumula ang mga pangunahing pangangailangan ng taumbayan.
Ayon sa Pangulo, pursigido ang gobyerno sa paghahabol sa mga mapagsamantalang negosyante.
Hindi siya makapapayag na manatiling mamayagpag ang mga tiwaling negosyante na patuloy na nagpapahirap sa mga magsasakang Pilipino.
Apektado ang mga magsasakang Pinoy sa pagdagsa ng smuggled agricultural products kaya kailangang mahabol ang mga ito at maparusahan nang naaayon sa batas.
Sa ating pagkakaalam, may sampung panukalang batas sa Kamara na naglalayong magpapataw ng mas mabigat na parusa sa smugglers, hoarders, at nagmamanipula ng presyo ng mga bilihin.
Nais ng mga mambabatas na maging life sentence o habambuhay na pagkakakulong ang maging parusa sa smugglers.
Kasabay ng babala ni PBBM laban sa smugglers at iba pa, ay tiniyak niya ang suporta sa Pinoy farmers lalo na sa pagkakaloob ng murang fertilizers.
Inakusahan naman ni Sen. Risa Hontiveros na may ‘government-sponsored smuggling’ ng asukal ang kasalukuyang administrasyon.
Ayon sa mambabatas, tone-toneladang asukal ang pinag-uusapan dito, 450,000 metric tons, pero bakit ang pait?
“Biruin n’yo, tatlong kompanya, halos handpicked pa, ang pinayagan na mag-angkat ng asukal para sa buong bansa. ‘Di ba kaduda-duda ‘yan? ‘Di ba sa ganyan nagsisimula ang kartel? Paanong hindi mangangamoy ‘government-sponsored smuggling’ ‘yan?
‘Wag sanang daanin sa palusot at paikot-ikot ang ating mga kababayan,” dagdag pa ng oposisyong mambabatas.
Banggit nito, una ay 450,000 metric tons, mistulang economic sabotage ang ganyan kalaking shipment. Large-scale agricultural smuggling na ‘yan.
Ayon sa batas, sa Anti-Agricultural Smuggling Act (RA 10845), bawal ang pagpasok sa bansa ng asukal na hindi bababa sa P1,000,000 ang halaga, at walang tamang permit.
Kaya sa pag-amin kamakailan ni Department of Agriculture (DA) Senior Undersecretary Domingo Panganiban na sila ang namili at nag-utos sa tatlong kompanya na mag-import, sana ay handa silang humarap sa mga seryosong kasong kriminal at administratibo.
Inamin din ni Usec. Panganiban na ang basehan nila ay hindi Sugar Order mula sa Sugar Regulatory Administration (SRA) kundi memo lang mula sa Office of the Executive Secretary.
Kung pagbabatayan naman ang charter ng SRA (EO No. 18, series of 1986), tanging ang SRA – at hindi si Panganiban mismo – ang may kapangyarihan na mag-issue ng permits at licenses gaya ng sugar orders para sa pag-angkat ng asukal.
Lumalabas na ang mismong lumalabag sa batas patungkol sa smuggling ay nagmumula sa DA? Paano na ‘yan, Mr. President?
Ang asukal ay isa sa agri-products na ipinupuslit papasok sa bansa.
oOo
Para sa suhestiyon at sumbong, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.
