CAVITE – Hindi nakaporma ang isang 31-anyos na rider nang kuwelyuhan at bitbitin sa police station ng mga tambay matapos na hablutin ang sling bag ng isang babae na nagmamaneho ng kanyang electric motorcycle sa Imus City sa lalawigang ito, noong Miyerkoles ng gabi.
Nahaharap sa kasong theft thru snatching ang suspek na si Christian Pagente ng Alapan 1-A, Imus City dahil sa reklamo ni Maria Claudia Leaban, 33-anyos.
Ayon sa ulat ni P/SSgt. Roy Vincent Villanueva ng Imus City Police station, sakay ang biktima ng kanyang electric bicycle habang binabagtas ang Gardenville Subdivision Brgy. Pag-asa 2, Imus City dakong alas-7:30 ng gabi noong Miyerkoles.
Ngunit sinundan ito ang suspek na nakasakay rin sa motorsiklo at nang makalapit sa biktima ay hinablot ang sling bag nito na naglalaman ng dalawang cellphone na P18,000 ang halaga, at P15,000 cash.
Humingi ng tulong ang biktima sa mga tambay sa lugar na hinabol ang suspek at nang madakip ay kinuyog ng mga ito saka dinala sa himpilan ng pulisya. (SIGFRED ADSUARA)
307
