UMAASA si dating Speaker at Taguig City Congressman Alan Peter Cayetano na magkakaroon ng ‘snowball of support’ para sa isinusulong nila ng kanyang mga kasamang kongresista sa Back To Service na P10K Ayuda Bill sa Kamara.
Ito ay matapos magpahayag ng suporta sa naturang panukala si Parañaque 2nd District Rep. Eric Olivarez.
Sa isang panayam sa radyo, sinabi ni Olivarez na full support siya sa P10K Ayuda Bill ni Cayetano dahil kailangan ito ng sambayanang Filipino.
“Kung kaya ng budget bakit hindi para sa mga nangangailangan, kung kaya ng appropriation na i-budget po ‘yon para sa nangangailangan full support tayo doon,’ ani Olivarez.
Kaugnay nito, lubos ang pasasalamat ni Cayetano kay Olivarez at sa iba pang mga kongresista na aniya ay payag at sumusuporta sa panukala.
“May consensus naman talaga ang buong Pilipinas na kailangan ng P10K ayuda ang mga Pilipino at ito’y mabuti sa ekonomiya at ito ay mabuti sa pamilya,” pahayag pa ni Cayetano.
Nakiusap din ito sa mga kapwa kongresista na bilisan ang aksyon at suporta upang maibigay agad ang ayuda sa mga nangangailangan lalo na ang mga pamilyang nawalan ng kabuhayan at inilugmok ng pandemyang COVID-19.
Mahalaga aniya na maikasa na ang P10K ayuda upang agad maaksyunan ang pagbibigay ng iba pang stimulus package para sa ibang sektor ng lipunan.
”Kaya pakiusap ko sa lahat ng kongresista na gawin nating mabilis at i-explain natin sa Malakanyang na may pera naman at agad-agad na yung P10K ay maibigay at isunod naman ang iba pang stimulus gaya ng health, agriculture, tourism, education, at kabuhayan,” paliwanag pa ni Cayetano.
Ang P10K Ayuda Bill ay inihain ni Cayetano at ng Powerful BTS Group ng Kongreso noong February 2021. Sa halip agad talakayin ay isinama ito sa pagtalakay saBayanihan 3 ngunit hindi rin nabigyan ng halaga dahil mas isinulong ng Kamara ang pagbibigay ng P1K sa bawat Filipino.
Tinutulan ito ni Cayetano dahil maituturing aniyang limos ang nasabing halaga sa naghihirap na mamamayan.
Nauna nang nanawagan si Cayetano sa mga tao na pakiusapan at ligawan ang kanilang mga kongresista na sumuporta sa P10K Ayuda Bill. (CESAR BARQUILLA)
