SOCIAL MEDIA POSTS NI BARZAGA BINURA NA

MISTULANG umiwas sa mas mabigat na parusa si Cavite Rep. Francisco “Kiko” Barzaga kaya sumunod ito sa direktiba ng liderato ng Mababang Kapulungan ng Kongreso na burahin ang kanyang mga social media post na naging dahilan ng kanyang suspensyon.

Mula noong Martes ng gabi ay hindi na makita sa kanyang social media accounts ang 24 posts nito na pinagbasehan ng House Committee on Ethics and Privileges para patawan ito ng 60 araw na suspensyon na walang sahod at iba pang benepisyo.

Noong Lunes ng hapon ay inayunan ng 249 congressmen ang rekomendasyon ng komite na patawan ng 60 araw na suspensyon ang mambabatas matapos mapatunayang guilty umano hindi lamang sa paglabag sa batas kundi maging sa House Rules dahil sa kanyang mga social media post.

Kaakibat ng suspensyon ang kautusan kay Barzaga na burahin sa loob ng 24 oras ang kanyang mga social media post dahil kung hindi ay mahaharap ito sa mas mabigat na parusa at noong Martes ng gabi ay nagbura na ang mambabatas.

Kabilang sa post ni Barzaga na hindi nagustuhan ng kanyang mga dating kapartido sa National Unity Party (NUP) sa pangunguna ng kanilang chairman at Deputy Speaker Ronaldo Puno, ang “Naintindihan kong galit kayo, pero kung sunugin niyo ang Kongreso, bigyan mo sana kami ng oras para i-evacuate ‘yung mga workers at important documents doon”.

“Wag n’yo sunugin ang House of Representatives bukas may privilege speech pa ako sa Lunes,” ayon pa sa post ni Barzaga at meron ding “Bakit may Women’s Month pero walang Men’s Month? Bakit, gusto mo bang isang buwan ‘yung mens mo?”.

Maging ang mga larawan na may hawak na malaking halaga ang mambabatas ay binura na rin sa kanyang social media post at maging ang larawan kung saan nasa leeg nito ang hita ng isang babae.

Unang sinabi ni 4Ps Party-list Rep. JC Abalos, chairman ng nasabing komite, na kapag hindi nagbura ng kanyang mga social media post si Barzaga partikular ang mga inireklamong post, ay magpupulong ang mga ito para sa susunod na hakbang.

Gayunpaman, tuluyan nang nakaiwas ang mambabatas sa mas mabigat na parusa matapos sumunod si Barzaga sa kautusan ng komite.

(BERNARD TAGUINOD)

81

Related posts

Leave a Comment