INIHAYAG ni Acting PNP chief, Police Lieutenant General Jose Melencio C. Nartatez, Jr., na kanilang pinaiigting ang pagtugis kay Cassandra Ong at iba pang kapwa akusado nito.
Sinabi ng hepe ng Pambansang Pulisya, patuloy ang kanilang paghahanap upang maaresto ang mga akusado ng qualified human trafficking.
Ayon kay Nartatez, kanyang inatasan ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na palakasin ang operasyon hindi lamang laban kay Ong kundi maging sa lahat ng iba pang mga akusado na may kaugnayan sa operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs).
“We do not only focus on Ms Ong, we will also make sure that all the respondents, whether they are in the Philippines or abroad, will be located and be taken to the court that issued the arrest warrant,” saad PLt. Gen. Nartatez.
Sa huling datos, mahigit na sa 50 indibidwal ang kinasuhan ng qualified human trafficking kaugnay ng umano’y scam hub na pinatatakbo ng Lucky South 99. Bukod kay Ong, kinasuhan din ang abogadong si Atty. Harry Roque.
Nitong buwan ng Mayo ngayong taon, naglabas ang Angeles, Pampanga Regional Trial Court Branch 118 ng warrants of arrest laban kina Ong at iba pang mga suspek para sa qualified human trafficking, kaugnay ng umano’y scam hub na pinatatakbo ng Lucky South 99.
Si Ong ang sinasabing kinatawan ng ipinasarang POGO hub.
Kamakailan ay ibinasura ng Court of Appeals ang petisyon ni Ong na kumukuwestiyon sa resolusyon ng DOJ na nag-aatas na sampahan siya ng kaso.
Sinabi naman ng Malacañang nitong Martes na nasa Pilipinas pa rin si Ong batay sa mga rekord, sa gitna ng mga ulat na huli umano itong na-monitor sa Japan.
(TOTO NABAJA)
35
