NILINAW ng Social Pulse Philippines na sila ay lehitimo taliwas sa naunang ulat ng kahalintulad nilang research group kamakailan.
Sa official statement ng Social Pulse Philippines, isang research agency sa bansa, pinabulaanan nito ang mga pahayag ng Philippine Research and Marketing Association Inc. (PRAMA).
Matatandaang sinabi ng kinatawan ng PRAMA na si Anton Salvador na ginamit ng Social Pulse Phils. ang social media upang impluwensyahan ang opinyon ng publiko sa pamamagitan ng paglalabas ng survey.
Pagtutuwid ng Social Pulse Phils., binaligtad ng PRAMA ang katotohanan.
Anila, ang Social Pulse Philippines ay nakarehistro sa ilalim ng Social Pulse Market Research Services.
Kasabay nito, inakusahan nito ang PRAMA na siyang walang rehistro base umano sa isinagawang pag-usisa sa Securities and Exchange Commission (SEC).
Bunga nito, planong sampahan ng Social Pulse Market Research Services ng kasong libelo ang PRAMA at si Salvador.
Sinimulan na rin anilang imbestigahan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang mga nasa likod ng PRAMA sa kanilang malisyosong pag-atake sa Social Pulse.
(JULIET PACOT)
