KINUWESTIYON ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. ang alegasyon ng pag-eespiya laban sa tatlong Pinoy na inaresto sa Tsina kamakailan.
Tinukoy ni Teodoro ang concern ng Tsina sa naging aktibidad nito West Philippine Sea (WPS) at hindi sa loob ng Beijing.
“Ano bang capability ng Pilipinong mang-espiya doon? Anong capability natin? Anong interest natin malaman kung anong nangyayari doon sa loob ng bansa nila?” ang sinabi ni Teodoro.
“Ang interest natin, iyong ginagawa nila sa WPS. Meron ba tayong interest kung anong nangyayari doon sa mga lugar na inaano na, ano pakialam natin doon, ‘di ba?” ang winika pa rin ng Kalihim.
Ani Teodoro, ang Tsina ay isang “closed society” at “police state” kung saan walang tao na may common sense ang magtatangka na magsagawa ng espionage o page-espiya roon.
“Sa katunayan, sa closed society na police state, pwede bang mag-espiya ang isang tao eh paggising mo pa lang alam na nila yung ginagawa mo. Sinong may sentido kumon gagawa nyan? Wala,” aniya pa rin.
Sa kabilang dako, posibleng pagganti ng China ang paratang na espionage laban sa tatlong Pilipino na inaresto sa Beijing.
Sinabi ni National Security Council (NSC) spokesperson Jonathan Malaya ang mga paratang na espionage laban sa tatlong Pilipino ay maaaring pagbuwelta sa pag-aresto sa ilang mga espiya mula sa China sa Pilipinas.
Paliwanag pa ni Malaya na ang mga naaresto ay mga dating benepisyaryo ng Hainan Government Scholarship Program na itinatag sa ilalim ng kasunduan ng Hainan at Palawan.
Mga ordinaryong mamamayan lang aniya ang mga naaresto, walang criminal records at sumusunod sa batas at masusi rin dumaan sa pagsisiyasat ng Chinese government bago dumating doon.
Kaya naman duda ang NSC sa mga sinasabing “confession” ng mga inaresto dahil mukhang scripted at hindi ginawa nang malaya at kusang loob.
Kinastigo sa Palit-Ulo
Kaugnay nito, kinondena ni Rep. Perci Cendaña ang “palit ulo” at hostage diplomacy ng China kasunod ng pag-aresto ng mga ito sa tatlong Palaweño na pinaniniwalaang ganti sa pag-aresto ng mga otoridad sa Pilipinas sa kanilang mga espiya sa bansa.
Hanggang ngayon ay nakakulong pa rin ang mga biktima ng ‘hostage diplomacy’ ng China na sina David Servañez, Albert Endencia at Nathalie Plizardo na dating scholar sa ilalim ng city agreement ng Palawan at Hainan Province.
Inaresto ang tatlo at inakusahang nag-eespiya sa China gayung scholar nila ang mga ito kaya naniniwala si Cendaña na paraan ito ng pagganti ng nasabing bansa.
“It’s clear that China is retaliating for the arrest of their spies on our soil. They’ve stooped to a shameful ‘hostage diplomacy,’ a twisted palit-ulo tactic. China is no longer just a trespasser and harasser in the West Philippine Sea, it has become a hostage-taker of our overseas Filipino workers,” ani Cendaña.
Dahil dito, dapat na aniyang itigil ng Pilipinas ang pagpapadala ng mga kabataang Pilipino para maging scholar ng China dahil maaaring gantihan din ang mga ito kapag may nahuling Chinese spy sa Pilipinas.
Kailangan na rin umanong itigil ang operasyon at isara ang Confucius Institutes sa mga unibersidad sa Pilipinas na pinopondohan ng China dahil maaaring magamit ito ng nasabing bansa sa pagpapakalat ng maling impormasyon o pang-eespiya sa bansa.
Maging ang mga overseas Filipino worker (OFW) at mga Pinoy tourist sa Mainland China at iba nilang teritoryo tulad ng Hong Kong at Macau ay nanganganib aniya sa ganitong uri ng diplomasya kaya dapat maglabas ang gobyerno ng Pilipinas ng travel advisory.
(CHRISTIAN DALE/PRIMITIVO MAKILING)
