KAHIT ang mga live-in partner ng incumbent officials, bawal nang kumandidato sakaling maipasa ang bagong anti-political dynasty bill na isinusulong ngayon sa Kamara, ayon kay Dinagat Islands Rep. Arlene “Kaka” Bag-ao.
Sa ambush interview matapos ihain ang House Bill 5905 o “The Anti-Political Dynasty Act,” nilinaw ni Bag-ao na sakop ng pagbabawal hindi lang ang mga asawa, anak, magulang, biyenan, lolo’t lola at first cousins, kundi pati ang mga live-in partners ng kasalukuyang halal na opisyal.
“Kasama dito ang lahat ng klase ng spouses kahit po yung hindi legally married pero sa harap na publiko ay sila ay nagrerepresent na sila ay may relasyon, sila ay mag-asawa o sila ay couple ipinagbabawal din ng batas na ito,” paliwanag ni Bag-ao.
Ayon sa mambabatas, itinuturing niyang bagong pag-asa ng taumbayan ang naturang panukala na layong putulin ang matagal nang paghahari ng mga political clan sa bansa.
“Tingin ko eto ay bagong pag-asa ng mamamayan. Alam ko na mapakarami at napakalawak na ng political dynasty sa Pilipino at ito ay nagiging dahilan ng paglilimit lang ng kapangyarihan at pagtatanggal ng kapasidad sa partisipasyon ng mamamayan na makilahok sa eleksyon,” ani Bag-ao.
Naniniwala si Bag-ao na mainit na ang ulo ng publiko sa korupsyon at monopolyo ng kapangyarihan ng iilang pamilya.
“Alam ko hindi lang ito ang solusyon sa problema pero tingin ko isa itong napakalaking hakbang para mabuwag yung concentration ng political power, yung resources, yung karapatang ipamana ang posisyon sa iilang pamilya,” aniya pa.
(BERNARD TAGUINOD)
72
