ISANG buwan matapos ipatupad ang enhanced community quarantine, wala pang itinatalaga ang Department of Health (DOH) at Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) ng isang point person sa paghahanap, pagbili at distribusyon ng medical supplies para sa coronavirus 2019 (COVID-19).
Inihayag ito ni Senador Nancy Binay matapos magpahayag ng pagkadismaya sa takbo ng paghahanap, koordinasyon, pagbili, konsolidasyon, pagpapaunlad, at distribusyon ng medical supplies na kailangan laban sa coronavirus pandemic.
“Isang buwan na ang lockdown, but no government unit is accountable or anyone from IATF is in-charge of medical logistics. Matagal nang dapat may tao who will make sure that testing kits, PPEs, swabs, face masks, ventilators, beds, linens, all themedical components and the right equipment needed in fighting Covid are continuously sourced, provided and deployed to where they need to be. What we need a long time ago is a cohesive response to the pandemic,” giit ni Binay.
Dismayado rin si Binay sa kawalan ng foresight ng pamahalaan sa kinakailangang medical logistics dahil hindi na-factor ng pamahalaan ang medical supply chain ng pagkilos laban sa COVID-19 matapos mabuyangyang ang maraming health worker sa nakamamatay na virus.
“Di katanggap-tanggap na isang buwan na tayong ganito, wala pa rin tayong idea, or projections man lang, kung ilang ventilators ang kakailanganin natin pag dumating sa peak ang confirmed Covid patients. Ilang cot beds, PPEs, surgical gowns, face masks, body bags, pharmaceuticals and medical supplies ang kailangan ng bawat ospital o quarantine facility sa kada araw?” aniya.
Base sa kuwento ng ilang medical workers sa frontlines, nabigo ang pamahalaan na maibigay ang kailangan ng pampubliko at pribadong pagamutan dahil kapos ang suplay, tauhan at suporta ng gobyerno sa bawat yugto ng treatment process ng COVID-19.
Aniya, habang lumilipas ang araw, nahaharap ang mga doctor, nars at iba pang tauhan sa frontline at backline sa impeksiyon kaya naaantala ang abilidad ng pagamutan na epektibong maghatid ng serbisyo sa harap ng krisis.
Idinagdag pa ni Binay na kung may direktang in-charge sa medical logistics, matitiyak na sapat ang suplay, kagamitan at iba pang component sa takdang paglilipat, distribusyon at tuloy-tuloy na paghahatid nito sa buong panahon ng public health emergency. ESTONG REYES
235 