HINDI mga kongresista kundi supporters ni Vice President Sara Duterte ang maghahain ng impeachment complaint laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa susunod na buwan.
Ito ang kinumpirma ni Caloocan City Rep. Edgar Erice, na nagsabing may mga pro–Vice President groups na lumapit sa kanya upang hilinging i-endorso ang reklamong ihahain laban sa Pangulo, taliwas sa unang ulat na mga mambabatas ang maghahain nito.
“These are pro–Vice President’s groups,” ani Erice, na idinagdag na tumanggi siyang mag-endorso ng reklamo.
Ayon kay Erice, kabilang sa grounds ng isasampang kaso ang “betrayal of public trust.” Pinaniniwalaan ding may kaugnayan ito sa malawakang katiwalian sa flood control projects mula 2023 hanggang 2025 na tinatayang P1.3 trilyon ang sangkot, dahil umano sa pagpapabaya ng Pangulo.
Kamara: Ebidensya ‘di Press Release
Sinabi ng ilang lider ng Kamara na susuriin nila ang anomang ebidensyang ihahain, ngunit iginiit na dapat itong nakabatay sa katotohanan at matitibay na dokumento.
“Allegations must stand on verifiable facts, sworn statements, and credible documentation,” ani House Deputy Speaker at La Union Rep. Paolo Ortega V.
Ganito rin ang babala ni Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, na iginiit na hindi dapat gawing political tool ang impeachment.
“Impeachment is a serious constitutional process… not for creating noise,” ani Adiong.
Makabayan: May Basehan
Naniniwala naman ang Makabayan bloc na may basehan ang posibleng impeachment laban sa Pangulo, kaugnay ng umano’y malawak at sistematikong pandarambong sa pambansang badyet, kabilang ang bloated unprogrammed appropriations at alegasyon ng Palace kickbacks sa infrastructure projects.
Gayunman, sinabi nina ACT Teachers Rep. Antonio Tinio, Kabataan Rep. Renee Co, at Gabriela Rep. Sarah Elago na wala pa silang pinal na posisyon kung susuportahan ang reklamong ihahain laban kay Marcos. Ayon sa kanila, magdedesisyon sila sa tamang panahon, lalo’t abala rin sila sa paghahanda ng muling paghahain ng impeachment laban kay VP Sara Duterte.
Malakanyang: Political Maneuvering
Nanatili namang kumpiyansa si Pangulong Marcos at nakatuon sa pamamahala, ayon sa Malakanyang, sa gitna ng usapin ng posibleng impeachment sa pagbubukas ng sesyon sa Enero 26.
Ayon kay PCO Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, ang mga pahayag ukol sa impeachment ay “unsubstantiated” at lumalabas na political maneuvering lamang.
“Ang impeachment complaint ay hindi pang-media lamang. Hindi ito panakot,” ani Castro.
Itinanggi rin ni Castro ang alegasyong betrayal of public trust, partikular sa paglagda sa GAA, at binigyang-diin na iniutos ng Pangulo ang imbestigasyon sa maanomalyang flood control projects at naglagay ng safeguards sa 2025 budget.
Dagdag pa niya, handa ang Pangulo sa anomang political scenario at igagalang ang constitutional processes, habang nananatiling tiwala na may suporta pa rin sa Kongreso.
Samantala, sinabi ni Erice na ang usapin sa Kongreso ay hindi lang tungkol sa impeachment laban kay Marcos, kundi pati na rin sa VP Sara Duterte, kung saan magtatapos sa Pebrero 6 ang one-year bar rule para sa paghahain ng impeachment.
(BERNARD TAGUINOD/CHRISTIAN DALE)
31
