MGA BUMIBILI NG NAKAW NA METRO NG KURYENTE, TIMBOG SA OPERASYON NG PNP-CIDG AT MERALCO

Timbog sa isinagawang operasyon ng mga operatiba ng Philippine National Police (PNP) katuwang ang Meralco ang mga indibidwal na sangkot sa pagbili ng mga nakaw na metro ng kuryente sa Soler Street sa Maynila, nitong Martes, Enero 13.

Ayon sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng PNP, natunton ang mga suspek matapos ang serye ng surveillance katuwang ang Meralco.

Nasabat ang mga nakaw na metro ng kuryente sa isinagawang operasyon. Kuwento ng pulisya, modus ng mga suspek ang magnakaw ng mga metro ng kuryente para muling ibenta online.

Nauna nang nilinaw ng Meralco na ang mga metro ng kuryente ay pagmamay-ari ng kumpanya at labag sa batas ang pagnanakaw, pagbebenta, at pagbili ng mga ito.

Paglabag sa Republic Act 7832 o Anti-Electricity Pilferage Act ang pagnanakaw ng metro, na may parusang hindi bababa sa 12 taon na pagkakakulong at multa mula P50,000 hanggang P100,000. Ang mga bumibili naman ng nakaw na metro ay mananagot sa ilalim ng Anti-Fencing Law at maaaring maparusahan ng pagkakakulong.

Nagpasalamat ang Meralco sa mabilis na aksyong pulisya at hinimok rin ng kumpanya ang publiko na i-report ang anumang kahina-hinalang aktibidad upang mapanatili ang kaligtasan at integridad ng serbisyo ng kuryente.

Patuloy ang aktibong pagtutulungan ng PNP at Meralco sa kampanya laban sa pagnanakaw ng mga metro ng kuryente at iba pang kagamitan sa paghahatid ng serbisyo ng kuryente.

18

Related posts

Leave a Comment