SOLON: INTEREST RATE MABABAWASAN

INAASAHAN ng chairman ng House ways and means committee na tatapyasan na ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang interest rate ngayong pababa na nang pababa ang inflation rate sa bansa.

Base sa report ng Philippine Statistic Authority (PSA), umabot na lamang sa 1.4 porsyento ang inflation rate nitong nakaraang Abril mula sa 1.8 porsyentong naitala noong buwan ng Marso ng kasalukuyang taon.

“Very good news, especially with food and beverage inflation being at just 0.9 percent. It will also give the BSP plenty of room to reduce interest rates, which, of course, is beneficial for people with home loans and for businesses,” ani Albay representative Joey Salceda, chairman ng nasabing komite.

Naniniwala si Salceda na magpapatuloy ang pagbaba ng inflation rate sa bansa sa kahit malikot aniya ang ekonomiya ng mga bansa na apektado sa taripang ipinataw ni United States president Donald Trump sa mga produktong papasok sa Amerika.

Ipinagmalaki naman ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang pagbaba ng inflation rate na bunga aniya ng repormang ipinapatupad ng Marcos Jr. administration para pababain ang presyo ng mga bilihin.

“Ipinapakita ng numerong ito na mas kontrolado na ang presyo ng mga pangunahing bilihin mula sa bigas, gulay, at karne, hanggang sa kuryente at pamasahe. Ibig sabihin, mas abot-kaya na ang pang-araw-araw na gastusin, at mas lumalawak ang kakayahan ng bawat pamilyang Pilipino na mapagkasya ang kanilang kita,” ani Romualdez.

Noong Enero, umaabot sa 2.9 porsyento ang inflation rate na bumaba sa 2.1 porsyento noong Pebrero, naging 1.9 porsyento noong Marso na indikasyon na gumagana aniya ang mga ikinasang reporma ng administrasyon sa presyo ng mga pangunahing bilihin.

“Hindi ito basta resulta ng swerte. Ito ay bunga ng malinaw na direksyon at matatag na pamumuno ni Pangulong Ferdinand Romualdez Marcos Jr., kasama ang buong Kongreso na katuwang niya sa pagpasa ng mga reporma at batas na layuning palakasin ang ekonomiya, ibaba ang presyo ng bilihin, at lumikha ng mas maraming trabaho” dagdag pa ng lider ng Kamara.

(PRIMITIVO MAKILING)

39

Related posts

Leave a Comment