PRIMEWATER NG MGA VILLAR IIMBESTIGAHAN NA NG KAMARA

PORMAL nang naghain ng resolusyon ang Makabayan bloc sa Mababang Kapulungan para imbestigahan ang PrimeWater at tapusin ang pagdurusa ng mga consumer at mabigyan sila ng Katarungan.

Kasabay nito, nagsagawa ng kilos protesta ang mga kasamahan ng tatlong miyembro ng Makabayan bloc sa Kamara na sina representative France Castro, Arlene Brosas at Raoul Manuel sa harap ng tanggapan ng PrimeWater sa Starmall sa Shaw Blvd, Mandaluyong City para kondenahin ang nasabing kompanya na pag-aari ng pamilyang Villar.

Ayon kay dating congressman Ferdinand Gaite, pitong taon nang nagdusa ang mga residente ng San Jose del Monte City (SJDMC) sa Bulacan sa masamang serbisyo ng PrimeWater dahil hindi malinis ang tubig sa kanilang gripo at dalawang oras kada araw may tubig ang mga ito na mahina pa subalit napakataas ang presyo.

“Sa loob ng pitong taon, tiniis ng mga mamamayan ang maruming tubig, mahal na singil, at halos walang serbisyo. Dapat nang wakasan ang kontrata ng PrimeWater. Dapat panagutin ang mga nagpabaya at nagpasasa sa kita habang naghihirap ang taumbayan,” ani Gaite.

Hindi lamang aniya ang nasabing lugar ang nagdurusa sa masamang serbisyo ng PrimeWater kundi maging ang mga taga-Bacolod sa Iloilo, Dasmarinas sa Cavite, Lucena sa Quezon at maging ang lalawigan ng Bukidnon at iba pang mga lugar na kung saan nagkaroon ng joint venture agreement (JVA) ang mga water district sa mga nabanggit na lugar at ang kompanya ng mga Villar.

Sa ngayon ay nagsasagawa na umano ng imbestigasyon ang Local Water Utilities Administration (LWUA) sa utos ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., na ayon kay Gaite ay dapat bantayan dahil maaaring magkaroon ng ‘whitewash’.

“Ang tubig ay karapatan, hindi negosyo. Ang sistematikong pribatisasyon ng ating mga water district ay nagbubunsod ng pagdurusa sa mga mamamayan habang pinapaboran ang mga oligarkong tulad ng pamilya Villar na may kontrol sa PrimeWater,” punto ng dating mambabatas.

Iginiit din nito na panahon na para bawiin na ng gobyerno ang JVA na ipinasok ng mga water district sa PrimeWater at itigil na ang pagsasapribado sa mga ganitong uri ng serbisyo publiko.

(PRIMITIVO MAKILING)

34

Related posts

Leave a Comment