Solon sa DENR: Don’t fool the people MANILA BAY PUNUIN MAN NG DOLOMITE ‘DEADLY’ PA RIN

KAHIT punuin ng dolomite ang buong Manila Bay, hindi pa rin ito puwedeng liguan ng publiko dahil hindi pa rin ginagawa ng mga water concessionaire ang water treatment facilities.
Ito ang pahayag ni Buhay party-list Rep. Lito Atienza kaugnay ng proyekto ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na dolomite dumping sa Manila Bay upang pagandahin ito.

“We are appealing to the DENR – Don’t fool the people. The waters of Manila Bay will remain unswimmable and deadly for as long as the waters are not cleaned by the two water concessionaires,” ani Atienza.

Nanghihinayang ang mambabatas sa halos kalahating bilyong piso para sa Manila Bay project ng DENR dahil tiyak na mauuwi lamang aniya ito sa wala hangga’t hindi kumikilos ang Maynilad at Manila Waters para itayo ang mga treatment facilities upang malinis ang tubig mula sa pozo negro ng mga kabahayan at industrial facilities sa Metro Manila at mga karatig lalawigan bago pakawalan sa dagat.

Dahil dito, kailangan aniyang pilitin ang mga water concessionaire na gawin muna ang kanilang treatment facilities bago pagandahin ang Manila Bay upang hindi masayang ang pondo ng bayan.
Nitong mga nakaraang araw ay umani ng batikos ang DENR dahil sa dolomite projects ng mga ito na ginastusan ng daan-daang milyong piso upang ang mga hindi umano makapupunta sa Boracay ay maaari umanong mag-swimming na lamang sa Manila Bay.

“Building a white sand beach along Manila Bay is a pipedream, or worse, a camouflage for these companies’ failure to do what they should have done in the first place. You seem not to even mind the non-delivery of this service. Let’s stop entertaining people with this song-and-dance routine,” ayon pa sa mambabatas.

Kasabay nito, inusisa ng mambabatas ang DENR hinggil sa multang ipinataw sa dalawang water concessionaires dahil sa paglabag ng mga ito sa Clean Water Act dahil sa kabiguan na magtayo ng water treatment facilities.

Ayon kay Atienza, pinagbayad ng Korte Suprema ng P1.84 billion ang dalawang kumpanya noong Agosto 6, 2019 subalit wala pang impormasyon kung sumunod ang mga ito.

LINISIN ANG ESTERO

Samantala, dapat nang magkaroon ng mindset ang publiko na pangalagaan ang mga estero sa gitna ng ginagawang pagpapaganda sa Manila bay.

Sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque, mahalagang maituro rin sa mga tao na huwag ng magtapon ng basura sa mga estero dahil diretso ito sa Manila Bay.

Magandang panimula ani Sec. Roque ang ginagawa sa kasalukuyan ng pamahalaaan sa Manila Bay lalo’t posibleng dumating ang pagkakataong pwede itong paliguan.

Kaugnay nito, tiniyak ni Roque na maliligo siya sa Manila Bay sa sandaling magbigay pahintulot na ang pamahalaan na maaari na itong liguan. (BERNARD TAGUINOD/CHRISTIAN DALE)

191

Related posts

Leave a Comment