NGAYON pa lamang ay dapat simulan na ng Department of Justice (DOJ) ang paghahanap ng mga witness sa mga gumahasa umano sa pondo ng bayan sa pamamagitan ng flood control at iba pang proyekto ng gobyerno.
Ginawa ni Bacolod Rep. Albee Benitez ang panawagan sa DOJ dahil darating ang araw na sila ang magsasampa ng kaso laban sa mga nagnakaw sa pondo ng mga proyektong ito na sentro ngayon ng imbestigasyon ng Office of the President at Kongreso.
“The Department of Justice must not wait for witnesses to step forward if we want to try, convict and imprison all those who have plundered the public funds intended to save our people from the threats of flooding,” ayon sa mambabatas.
Hindi lamang mga flood control project kundi sa iba pang infrastructure projects dapat maghanap ng testigo at protektahan ang mga ito sa pamamagitan ng whistleblower program.
Naniniwala ang mambabatas na may mga empleyado ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na maraming nalalaman sa anomalya kaya ito ang dapat hanapin ng DOJ.
“Pagkakataon na ito para maisiwalat nila ang katotohanan. Responsibilidad ng pamahalaan na bigyan sila ng plataporma at karampatang proteksyon upang maitaguyod ang katotohanan,” ayon pa sa mambabatas.
Aminado ang mambabatas na mahaba at mahirap ang laban para mapanagot ang mga taong nagnakaw sa pondo ng mga nabanggit na proyekto na naging dahilan ng kamatayan at pagsira ng mga ari-arian ng mamamayan.
“But it is something that we cannot set aside if we wish to change things for better-to have public infrastructure that takes no shortcuts and does not jeopardize life and safety, to have government processes that are free from corrupt practices, and to put fear in the hearts of those who would corrupt the system for material gain,” dagdag pa ni Benitez.
(BERNARD TAGUINOD)
