HINIMOK ni Senador Win Gatchalian ang mga electric cooperative na nasalanta ng bagyong Rolly na pakinabangan ang P250 million na nakalaan sa ilalim ng kasalukuyang national budget para sa pagpapakumpuni ng mga nasirang linya ng kuryente sa kanilang mga lugar.
Ang paghikayat ni Gatchalian, chairman ng Senate Energy Committee, sa paggamit ng nasabing pondong inilaan ng Republic Act 11039 o ang Electric Cooperatives Emergency and Resiliency Fund (ECERF), ay para sa agarang pagpapanumbalik ng kuryente sa mga nasalantang lugar.
Bagsak ang mga linya ng kuryente at komunikasyon sa maraming bahagi ng Catanduanes at Albay, ang dalawang probinsyang napuruhan ng super typhoon Rolly. Tinatayang baka umabot pa ng dalawang buwan bago maibalik ang kuryente sa Albay dahil natumba at nasira ang higit 70% ng poste ng kuryente rito.
“Kailangang tulungan nating maibalik agad ang kuryente at linya ng komunikasyon sa mga apektadong lugar. Isa sa mga maaantala nito ay ang pag-aaral ng mga estudyante na gumagamit ng internet para sa distance learning,” ani Gatchalian.
Matapos manalasa ang mga bagyong Quinta at Rolly sa bansa, tinataya ng mga eksperto na lalakas naman ang kapapasok pa lang na bagong bagyong Siony.
Ang ECERF na nasa pangangasiwa ng National Electrification Administration (NEA), ay eksklusibong nakalaan para sa pagpapagawa at rehabilitasyon ng mga nasirang pasilidad o poste ng kuryente ng electric cooperatives (ECs) o distribution utilities (DUs) bunsod ng mga hindi inaasahang kaganapan o force majeure.
Ayon sa senador, wala pang bawas hanggang noong June 30 ang nakalaang P250 million ng ECERF sa ilalim ng 2020 national budget.
Ang ECERF ay pinirmahan ng pangulo noong June 29, 2018 para maging batas.
“Ang mga electric cooperatives at distribution utilities ay maaaring umasa sa ECERF para mapondohan ang pagpapagawa ng mga nasira nilang mga kagamitan sa lalong madaling panahon.
Maraming poste ang pinadapa ng mga bagyong Quinta at Rolly at maari silang humingi ng tulong pinansyal mula sa gobyerno sa pamamagitan ng ECERF,” ani Gatchalian, ang pangunahing may-akda at sponsor ng RA 11039.
“Ito ay response fund o pondong inilaaan para tugunan ang mga sitwasyong katulad sa ngayon. Binalangkas namin itong batas na ito para paglaanan ang mga pangangailangan sa mga panahon ng kalamidad at agarang maisaayos ang mga linya ng kuryente na walang dagdag pasanin sa bayarin ng kanilang mga kunsyumers,” paliwanag ng senador. (ESTONG REYES)
155 