NANANAWAGAN si Senador Nancy Binay sa gobyerno na pigilan ang paghihikayat ng mga hindi mahalagang biyahe sa gitna ng patuloy na pagtaas ng bilang ng mga tinatamaan ng COVID.
“Itigil muna natin ang pagpropose na bumiyahe at mamasyal. This is not the best time to relax and encourage everyone to go out and travel habang patuloy namang tumataas ang kaso ng COVID sa ating bansa,” diin ni Binay.
“Makikita naman natin sa mga videos at pictures sa news at social media na kahit mga celebrities at influencers eh parang balik na sa normal ang lahat. Varying, irrelevant, and inconsistent messaging create public confusion, and damage whatever gains we have had in the fight against COVID,” dagdag pa ng senador.
Kasabay nito, naniniwala si Binay na dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa, lumalabo ang pag-asang magkakaroon ng face-to-face classes.
Dahil dito, nangangamba ang senador sa negatibong epekto ng patuloy na pagkulong sa kabataan at hindi nila pagkakaroon ng pagkakataong makasalamuha ang kanilang mga guro at kapwa estudyante.
“Ako natatakot ako, lalo na nung hearing namin nagsalita ang mga behaviorial psychologist na ang isang taong lockdown sa mga estudyante hindi maganda, may nawawalang mahalagang development at sa sitwasyon ngayon mas lumalabo na magkakaroon ng face-to-face na type of going back to school,” pahayag ni Binay.
“Tulad ng nabanggit ni Dr. (Lourdes) Carandang, they have to socialize ASAP. Eh paano sila magso-socialize kung ganito ang sitwasyon natin ngayon,” diin pa ni Binay. (DANG SAMSON-GARCIA)
