UMAPELA ang isang kongresista sa sambayanang Filipino na tutulan ang revolutionary government (RevGov) na isinusulong ng mga kaalyado ni Pangulong Rodrigo Duterte upang hindi na sila umalis sa puwesto.
Ginawa ni Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate ang panawagan matapos ilunsad ang nasabing pagkilos para himukin si Duterte na magdeklara ng revolutionary government.
“The people should vigorously oppose this anti-democratic initiative, especially since clearly its main objective is the mere perpetuation in power of the incompetent and tyrannical rule of the present administration,” ani Zarate.
Ayon sa mambabatas, ang RevGov na ito ay inisyatiba umano ng Department of Interior and Local Government (DILG) dalawang taon na ang nakararaan dahil mistulang alam na ng mga ito na hindi uubra ang martial at charter change (Cha-cha) para manatili sila sa kapangyarihan.
“Apparently, the Duterte clique and its allies realized that their cha-cha move has difficulty taking off, thus, it is once again foisting now this dubious RevGov scheme by mobilizing its minions so that Pres. Duterte can have more draconian powers that will allow them to remain in power indefinitely,” ayon sa kongresista.
Patunay umano ito na wala talagang balak ang loyal allies ni Duterte na maputol ang tinatamasa nilang kapangyarihan ngayon kaya isinusulong ng mga ito ang RevGov bilang “Plan C” dahil sablay ang mga ito sa martial law at Cha-cha.
Ang Duterte administration ay hanggang Hunyo 30, 2022 na lamang dahil muling maghahalal ang bayan ng bagong pangulo sa Mayo, 2022. Subalit kapag nagtagumpay ang mga ito sa revolutionary government ay otomatikong masususpendi ang 1987 Constitution, bubuwagin ang dalawang sangay ng gobyerno o ang kasalukuyang Kongreso at Korte Suprema.
Kaugnay nito, nagpahayag din ng matinding pagtutol si Senador Francis “Kiko” Pangilinan sa planong RevGov sa gitna ng lumalalang sitwasyon ng corona virus 2019 (COVID-19) at lumalawak na kagutuman sa bansa.
Sa pahayag, sinabi ni Pangilinan na dapat pigilan ng Palasyo ang mga pagkilos ng ilang grupo na magtatag ng isang pamahalaang rebolusyonaryo at sa halip ay pagkaisahin ang taumbayan na humanap ng mga paraan upang malampasan ng mga Filipino ang pandemya.
Sinabi ni Pangilinan na hindi nakasaad sa anomang legal na dokumento, gaya ng Saligang Batas ng 1987, ang konsepto ng isang pamahalaang rebolusyunaryo.
“Huwag na tayong lumayo sa constitutional order,” giit ng mambabatas.
Kamakailan, inilunsad ng isang grupo na kinabibilangan ng mahigit 300 katao ang paglagda sa isang manipesto na magtatag ng revolutionary government sa bansa na magiging pinuno si Pangulong Duterte.
Ginanap ang signing program sa New Clark City, Angeles, Pampanga na sinasabing paglabag sa pagtitipon ng higit sa 10 katao. (BERNARD TAGUINOD/ESTONG REYES)
189
