SOLON: SINGLE USE PLASTIC BAN GAWING PERMANENTE

ISINUSULONG ng isang mambabatas na maging permanente ang pagbabawal sa paggamit ng translucent plastic bags at thin-filled sando bags na plastic hindi lang sa government offices kundi sa lahat ng mga establisimyento sa bansa.

Kasabay nito, hinikayat ni TGP Party-list Rep. Jose “Bong” Teves ang sambayanan na maging responsable sa pagtatapon ng basura at huwag gumamit ng single use plastic.

Nauna nang inihain ng National Solid Waste Management Commission (NSWMC) ang resolusyon na ipagbawal ang paggamit ng sisidlang plastic sa lahat ng tanggapan ng gobyerno.

Suportado ito ni Teves kaya naghain ang mambabatas ng House Bill 4435 na naglalayong mapigilan ang paglobo ng basura partikular ang plastic na pangunahing dahilan ng pagbaha.

Ayon kay Rep. Teves, labis siyang nababahala lalo na sa parte ng mga karagatan sa bansa dahil sa resulta ng isinagawang research ng Ocean Concervancy and McKinsey Center for Business and Environment, ang Pilipinas ang pumapangatlo na pinanggagalingan ng mga plastic na naglutangan sa karagatan at isa rin ito sa mga bansa sa Southeast Asia na may malaking volume na basurang nakokolekta.

Idinagdag pa ng mambabatas na siyang vice chairman ng Committee on Ecology na hindi lamang usaping pangkapaligiran ang dapat pokus sa pagbabawal sa paggamit ng plastic kundi pati na rin ang usaping pangkalusugan.

“Labis kong ikinatutuwa lalong lalo na sa mga kapwa ko mambabatas sa ginagawa nilang pagsuporta sa inihain kong batas para sa tuluyang pagpapatigil sa paggawa at paggamit ng single use plastic,” giit ni Teves na siyang may akda ng House Bill 4435. CESAR BARQUILLA

199

Related posts

Leave a Comment