PARANG dumadaan sa butas ng karayom bago pa makasakay sa barko ang Pinoy seafarers.
Grabe ang hirap na dinaranas nila mula sa kani-kanilang mga recruitment agency sa Pinas.
Napakarami lagi ng mga aplikante ng pagiging seamen riyan sa TM Kalaw, sa bandang Luneta Park sa Maynila dahil nais nilang makaahon sa kahirapan.
Pero kalakaran daw ng mga maritime agency ng seamen ay pinagtrabaho muna sila sa mga opisina ng mga ito.
At matindi pa hindi lang buwan kundi isa hanggang tatlong taon silang gagawing utusan sa opisina ng kanilang mga agency.
Wala rin sweldo silang natatanggap sa kanilang pagseserbisyo sa opisina ng kanilang agency.
Ang lupet ng mga hung hang! Hindi na kayo naawa sa tao. Kulang na lang ay paluhurin n’yo sila.
Hindi ba alam ng mga opisyal ng gobyerno ang kalakarang ito?
Maging sa pagkuha raw ng mga requirments ay pinahihirapan din ang mga aplikante. Tulad ng Certificate of Proficiency (COP) na iniisyu ng Maritime Industry Authority (MARINA).
Bago ito nakukuha ng mga gustong magtrabaho sa barko ay dumadaan muna sila sa butas ng karayom. May lagayan daw?
Batay sa MARINA Circular No. 2013-09 series of 2013 lahat ng seafarers nakasakay na sa barko o sasakay pa lang dapat ay magkaroon ng COP.
Anong nangyari sa MARINO Partylist hindi kaya nila alam ang exploitation na nangyayari sa mga Pinoy seafarer?
Ang pagseserbisyo raw ng mga aplikante sa opisina ng kanilang mga ahensiya ay bahagi daw ng On-Board-Training (OBT).
OBT sa opisina ng agency nagseserbisyo? Kalokohan na yan!
Ang pananamantalang ito ng mga local agency sa kanilang mga aplikante para maging seafarers ay hindi kaya alam ng Depertment of Labor (DOLE) at Philippine Overseas Employment Administration (POEA).
O baka naman nagbubulagbulagan lang sila?
Imposibleng hindi kakalat ang isyung ito.
Mga bossing ang kalakaran ito ay matagal nang nangyayari, sana mawakasan na ito.
Sa local agency at maging sa MARINA ‘wag nyo nang pahirapan pa ang ating mga kababayan na gustong magtrabaho sa barko.
Lumaban kayo ng parehas, ‘wag nyong pagsamantalang ang kanilang kahinaan. Kumikita rin naman kayo kapag sila ay nakasakay na sa barko bilang mga recruitment agency nila.
Hindi porket gustong-gusto nga ng mga kababayan natin na makasakay sila sa barko ay pansasamantalahan n’yo ang kanilang kahinaan.
Kayo rin baka magalit si Lord sa inyo. JOEL AMONGO
Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email joel2amongo@yahoo.com at operarioj45@gmail.com, cel# 0919-259-59-07
200 