HINDI naitago ng ilang mambabatas sa Kamara ang pagkairita sa Department of Interior and Local Government (DILG) matapos isnabin ang kanilang imbestigasyon sa problema ng mga Local
Stranded Individual (LSI).
“How can it be that the department in charge is not even here to shed light on the problem that,” pahayag ni House committee on good government and public accountability vice chairman Mike
Defensor ng Anakalusugan party-list.
Idinaan na sa virtual ang pagdinig kung saan hindi na kailangang pumunta nang personal si Secretary Eduardo Año o sinoman sa kanyang kinatawan subalit wala pa ring representasyon ang
nasabing tanggapan.
Kinumpirma ng Committee secretary na naipadala nila ang imbitasyon kay Año noong Martes pa sa pamamagitan ng email kaya walang dahilan para hindi ito mapaghandaan.
“It was acknowledged by the legislative liaison officer, Mr. Jed Loresca on July 29. But as of this moment sir, they did not have any representative in plenary as well as in Zoom,” ani Defensor.
“I think this is an affront not just to the comittee but to Congress itself. May we direct the committee secretary to write a strongly-worded letter, isa pong sulat kay Secretary Año, sa pang-
iinsulto sa komite, sa hindi pagdalo ninuman mula sa kanilang departamento ,” dagdag pa ni Defensor.
Sinuportahan naman ito ni Cavite Rep. Jesus Crispin Remulla kung saan iminungkahi nito na isama sa susulatan at paaalalahanan si PMS Assistant Secretary Joseph Encabo, lead convenor ng Hatid Tulong Program dahil maging ito ay hindi pinansin ang imbitasyon ng komite.
Pinaalalahanan din ni Defensor ang DILG dahil sa susunod na buwan ay magsisimula na ang pagdinig sa 2021 national budget kung saan kabilang si Año na inaasahang haharap sa budget
hearing.
Nagpatawag ng imbestigasyon ang nasabing komite dahil sa mga nakitang problema sa pagpapauwi sa mga LSI tulad ng pagsisiksikan ng mga ito sa Rizal Memorial Sports Complex na isa
sa mga itinuturong dahilan kung bakit marami ang nagkaroon ng COVID-19. (BERNARD TAGUINOD)
