SOUTHERN LUZON MSMC PASADO NA

SALUDO sa Senado sina Quezon 4th District ­Representative Angelina “Helen” Tan at 1st District ­Congressman Wilfrido Mark Enverga na may akda ng batas para sa pagtatayo ng Southern Luzon Multi-Specialty Medical Center sa Tayabas, Quezon, makaraang maipasa na sa ikatlong pagbasa ng Senado ang House Bill No. 7952.

Sa oras na operational na ang naturang ospital ay magsisilbi itong kauna-unahang pagamutan para sa iba’t ibang uri ng sakit sa Timog Katagalugan at isa sa ­magiging apex hospital o end-referral hospital sa lugar.

Pamamahalaan pa rin ito ng Department of Health na siyang sisiguro sa pag-abot ng mahusay, epektibo, at abot-kayang serbisyong pangkalusugan.

Lubos na ikinatuwa ni Congresswoman Tan ang pagpasa ng panukala na ayon sa kanya ay alinsunod sa layunin ng Universal Health Care (UHC) Act na kanya ring isinabatas.

Nagpasalamat si Tan, na umuupong tagapanguna ng committee ng kalusugan sa mababang kapulungan ng Kongreso, sa mga senador sa kanilang suporta partikular na kay Senator Bong Go na kanyang counterpart sa Committee on Health.

Binigyang diin ng kongresista na “Ito’y isang ­malaking hakbang sa pag-abot ng ating pangarap na kalusugan para sa lahat ng Pilipino”. Aniya, maraming mahihirap na may sakit ang makikinabang sa pagtatayo ng Southern Luzon MSMC.

Paliwanag pa ni Congresswoman Tan, ang pagtatayo sa nasabing ospital ay malaking tulong sa mga taga-lalawigan dahil hindi na magsisiksikan ang maraming mga pasyente sa Kamaynilaan upang magpagamot at higit na mabibigyan ng kagyat na atensyong medikal ang mga may karamdaman sa Timog Katagalugan na siyang itinuturing ngayon na may pinakamataas na bilang ng populasyon sa buong bansa.

Ang Southern Tagalog region ay binubuo ng mga lalawigan ng Batangas, Cavite, Laguna, Marinduque, Occidental Mindoro, Oriental Mindoro, Palawan, Quezon, Rizal, Romblon at Aurora kasama ang 1st class highly urbanized na Lungsod ng Lucena.

Makikinabang din sa nasabing panukala ang mga pasyente sa Bicol at maging ang Metro Manila, kung saan matatagpuan ang specialty hospitals tulad ng Philippine Heart Center, National Kidney and Transplant Institute, at Lung Center of the Philippines, bukod sa iba pang specialty hospitals.

231

Related posts

Leave a Comment