Balitang ‘di Kanais-nais
IMPEACHMENT ni Vice President Sara Duterte, Cong. Suntay vs Anne Curtis, paglilitis sa Discaya Couple, pagsuspinde kay Kiko Meow Meow Barzaga, pagpapatawag ni Majo Sandro Marcos kay Rep. Erice at marami pang iba na napakaliit na issue kung ihahambing sa ghost flood control projects.
May lumulutang na samahan, ang Alyansa ng Manggagawa sa Konstruksiyon (AMK) ang naghihintay pa rin, mga ka-Balitang ‘Di Kanais-nais, sa magiging tugon nitong si House Speaker Bojie Dy kung bakit sa dinami-rami ng mga pangalan ng kongresista na binanggit ng mga opisyales ng DPWH at mga contractor, ay tila walo pa lang ang naisasalang, tahimik ang kongreso sa usapin. Bakit ba, Speaker Dy?
Tanong, asan na ba ang ingay ng Independent Commission for Infrastructure (ICI)? Tila naging pipi na rin sa pag-iimbestiga sa mga kongresista na pinangalanan at involved sa ghost flood control projects na dapat ay pangunahan ang namumuno sa House of Representatives ang pagpapatawag ng imbestigasyon sa kanyang mga tauhan. Bakit hanggang ngayon ay wala, Speaker Dy? Nagtatanong lang po.
Para sa kaalaman mo, Speaker Dy, may hawak ang AMK ng listahan ng mga kongresista na pinangalanan ng DPWH officials at mga contractor na nagtamasa ng daang milyong piso at ang iba ay bilyong piso pa, na walang naipakitang proyekto.
Umaabot sa 104 pangalan ng mga mambabatas sa Mababang Kapulungan ang nasa listahan kung saan nakakalap ng liham ang Balitang ‘di Kanais-nais mula sa AMK na naka-address kay ICI Chairperson Andres Reyes, nakasaad ang Formal Demand for Expansion of the Flood Control Anomaly Probe. Kilos, Speaker Dy, para hindi sabihin ng mamamayang Pilipino na inililiko mo ang pinakamainit na usapin, ang ghost flood control projects at pangalawa lang ang impeachment ni VP Sara.
Speaker Dy Sir, ito ang talaan ng 104 congressman, kabilang dito ang pinalitan mong si dating House Speaker Martin G. Romualdez na nagbigay na ng kanyang paliwanag; Zamboanga City 2nd Dist. Rep. Manuel Dalipe, 4Ps Party-List Rep. Marcelino Libanan, Minority Floor Leader, Ilocos Sur 2nd Dist. Rep. Kristine Singson-Meehan, TUCP Party-List Rep. Raymond Mendoza, Pampanga 3rd Dist. Rep. Dong Gonzales, Manila 6th Dist. Bienvenido Abante, GenSan Lone Dist. Rep. Loreto Acharon, Lanao Sur 1st Dist. Rep. Zia Alonto Adiong at Cavite 3rd Dist. Rep. Adrian Jay Advincula.
Sa dami ng mga pangalan ng umano’y involved sa flood control anomaly, hanggang sa ngayon ay tahimik at malaya sa imbestigasyon.
Sa susunod na issue ng Balitang ‘di Kanais-nais ang karugtong ng iba pang pangalan ng mga congressman na inginuso sa anomalya. (CB)
84 