(NI BERNARD TAGUINOD)
NANINIWALA ang lider ng Mababang Kapulungan ng Kongreso na hindi makikiaalam si Pangulong Rodrigo Duterte sa Speakership derby sa pagitan ng tatlong kongresista na pawang malalapit sa kaniya.
Ayon kay House majority leader Fred Castro, kailangang paniwalaan ang pahayag ni Duterte na hands off siya sa labanan nina Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez, Marinduque Rep. Lord Alan Velasco at Taguig-Pateros Rep. Allan Peter Cayetano.
“Why should I doubt the words of the President?. Because he is the President and being the President, we have to believe what he says, othersiwe who else to believe, who else are you going to believe. He is there because we believe in him,” ani Castro.
Unang sinabi ni House minority leader Danilo Suarez na tapos ang labanan sa Speakership kung hindi makikiaalam si Duterte at anak nitong si Davao City Mayor Sara Duterte sa Speakership dahil umaabot na umano sa 153 ang lumagda sa manifesto sa speakership bid ni Romualdez.
Ang tatlong nabanggit, kasama na si dating House Speaker Pantaleon Alvarez, ay lumapit na umano kay Duterte para ipaalam ang kanilang ambisyon na pamumuan ang 18th Congress.
Maliban kay Alvarez, kasama sa entourage ni Duterte sa Japan sina Romualdez, Velasco at Cayetano na ayon sa mga impormasyon ay pinayuhan ng Pangulo ang mga ito na mag-usap-usap kung sino sa kanila ang susunod na Speaker.
Samantala, sinabi naman ni Albay Rep. Edcel Lagman na kung walang bibigay sa mga nabanggit na naghahangad na maging Speaker at maglaban-laban ang mga ito sa plenaryo sa pagbubukas ng 18th Congress sa Hulyo isa sa mga ito ang magiging Minority leader.
Hindi ito nagugustuhan ni Lagman dahil mangangahulugan ito na hindi lehitimo ang lider ng mga fiscalizer sa 18th Congress dahil malapit ito sa Pangulo.
“The House of Representatives needs a Speaker who can assure and defend the independence and integrity of the House as a co-equal department, and not act as a rubberstamp of the President,” ayon pa kay Lagman.
