SPECIAL POWER KAY PBBM PARA SUSPENDIHIN FUEL TAX, LUSOT SA KAMARA

LUSOT na sa ikatlo at huling pagbasa sa House of Representatives ang panukalang magbibigay ng special power kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang pansamantalang suspindihin ang fuel excise tax sa gitna ng tumataas na presyo ng langis.

Sa botong 247 pabor at 3 kontra, inaprubahan ng Kamara ang House Bill 8418 na inakda nina House Majority Leader Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos at House Speaker Faustino Dy III.

Aamyendahan ng panukala ang Section 148 ng National Internal Revenue Code of 1997 upang payagan ang pamahalaan na pansamantalang alisin ang fuel excise tax sa petroleum products kapag may krisis sa pandaigdigang merkado ng langis.

“This bill gives the President a measured tool to cushion that shock, with clear triggers, clear limits and clear reporting when the prices of fuel and basic commodities get too high. Proteksyon ito sa mga mamamayan sa biglaang pagsirit ng presyo ng mga pangunahing bilihin,” pahayag ni House Majority Leader Sandro Marcos.

Ayon sa panukala, maaari lamang gamitin ng Pangulo ang special power kung matutugunan ang dalawang kondisyon: kapag lumampas sa $80 per barrel ang presyo ng Dubai crude oil sa loob ng isang buwan, o kung may deklarasyon ng national emergency o calamity na nagdulot ng pagtaas ng presyo ng langis.

Nilimitahan naman sa hanggang anim na buwan ang suspension ng fuel tax upang maprotektahan ang kita ng pamahalaan, maliban na lamang kung palalawigin pa ito ng Kongreso sa pamamagitan ng joint resolution.

Hindi rin dapat lumampas sa isang taon ang kabuuang suspension.

Kapag bumalik na sa normal ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado, awtomatikong aalisin ang suspension kahit wala nang karagdagang aksyon mula sa pamahalaan.

Kapag naipatupad ang panukala, inaatasan ang Department of Finance, Department of Budget and Management, Department of Economy, Planning, and Development, Department of Energy, Bangko Sentral ng Pilipinas, Bureau of Internal Revenue at Bureau of Customs na maglabas ng implementing rules sa loob ng 15 araw.

Tinatayang bababa ng P5 kada litro ang kerosene, P6 ang diesel, at P10 ang gasolina kapag ipinatupad ang suspensyon ng fuel tax.

Gayunman, nagbabala ang Department of Energy (DOE) na posibleng mawalan ang pamahalaan ng humigit-kumulang P136 bilyong kita mula Mayo hanggang Disyembre kung ipatutupad ang hakbang.

Samantala, bumoto laban sa panukala si Gabriela Party-list Rep. Sarah Elago, na nagsabing walang garantiya na bababa ang epekto ng mataas na presyo ng langis kahit suspindihin ang fuel tax.

Nanindigan din sina Rep. Elago at Kabataan Party-list Rep. Renee Co na ang suspension ng fuel excise tax ay “short-term fix” lamang, at iginiit na dapat tuluyang alisin ang VAT at excise tax sa langis.

(TINA MENDOZA)

79

Related posts

Leave a Comment