GAANO KAMAHAL ANG EDUKASYON SA ‘PINAS?

EDUCATION

(Ni Bernard Taguinod)

NAGING annual tradition na lamang ang pagtaas ng tuition sa mga pribadong paaralan sa Pilipinas kaya lalong dumarami ang mga kabataan, lalo na ang mga anak ng mga mahihirap ang hindi nakatatapos ng pag-aaral.

Ganito inilarawan ni Raoul Manuel, secretary general ng National Union of Student of the Philippines (NUSP) ang taun-taon na lamang na pagtataas ng matrikula sa private higher education institutions (HEIs) sa bansa.

“Ating kinokondena ang ganitong annual tradition na lamang (na pagtaas ng tuition) kung saan ang ating pamahalaan ay pinapayagan ang ating private schools na magtaas ng bayarin nang walang habas,” ani Manuel dahil tinataya nito na aabot sa 700 HEIs ang papayagan umano ng Commission on Higher Education (CHED) na magtataas ng singil sa matrikula ngayong school year (SY) 2019-2020.

Unang sinabi ni Kabataan Party-list Rep. Sarah Elago na aabot sa 1,400 private schools kasama na ang mga ele­mentarya at high school ang naghain ng petisyon sa CHED at Department of Education (DepEd) para makapagtaas ng singil sa matrikula na kanilang pinapalagan dahil nagiging commercial na anila ang edukasyon sa bansa gayung isang karapatan ito ng mga kabataang Filipino.

“Hindi dapat pinagkakakitaan ang edukasyon, hindi ito ipinagbibili,” ani Ela­go subalit tila kasabwat pa umano ang estado o ang gobyerno para pagkakitaan ng mga private institutions ang edukas­yon dahil taun-taon ay pinapayagan nito ang pagtaas ng matrikula.

Sinabi ni Manuel na 6% hanggang 8% ang tinatayang itataas ng mga bayarin sa privare HEIs kaya pamahal na nang pamahal aniya ang edukasyon sa Pilipinas at hindi na ito kaya ng mga ordinaryong magulang lalo na ang minimum wage earners.

“Sa panahon ngayon na ang pamilya ay lubos na naghihirap, nahihirapan kung papaano pagkasyahin ang kanilang suweldo, kahit ‘yung kalakhan ng pamilya na nag-e-earn ng minimum wage ay hindi kayang pag-aralin ang kanilang anak sa kolehiyo,” ani Manuel.

Ayon sa Rise for Education, umaabot sa P167,000 hanggang P229,710 ang gastos ng isang estudyante na nag-aaral sa HEIs noong SY 2018-2019 na kinabibilangan ng P33,047 na tuition; P5,000 hanggang P10,000 na laboratory fees; P80,000 hanggang P160,000 na miscellaneous fees; P10,000 hanggang P15,000 na libro; P62,000 na gastos ng isang estudyante sa loob ng isang taon tulad ng transportasyon at pagkain at P19,000 na supplies at projects.

Hindi na ito kaya ng mga magulang na minimum wage earners lamang dahil umaabot lamang sa P195,468 ang kita ng mga ito kada taon na kulang pa sa pang-araw-araw na pangangailangan ng isang pamilya na may limang miyembro.

Nais ni Elago na makontrol ng go­byerno ang taunang pagtaas ng mga bayarin sa private schools dahil bagama’t libre na ang matrikula sa SUCs o state universities and collleges ay mas marami pa rin ang nag-aaral sa HEIs.

Nabatid na sa 29 milyong college students sa bansa ngayon, 13 milyon lamang ang nag-aaral sa SUCs habang ang malaking bahagi o 16 milyon ay nag-aaral sa mga private schools dahil limitado ang tinatanggap sa mga pampublikong paaralan.

“Bagama’t libre ang matrikula sa state universities and colleges malaking bahagi pa rin ng mga estudyante sa kolehiyo ay nag-aaral sa privates schools kaya kung tunay ang hangarin na mag-provide ng karapatan sa edukasyon, ay huwag nang ipagkait ang basic right of education,” ani Elago.

Lalong lumiit ang bilang ng mga tinatanggap sa mga pampublikong kolehiyo at unibersidad dahil sa Free Tuition Law tulad ng nangyari sa University of the Philippines (UP) noong 2018 kung saan unang ipinatupad ang nasabing batas.

“Mula po noong 2015, nasa 15,000 po (ang tinatanggap na freshmen ng UP), ‘yun po ang huling batch ng mga graduate bago ang K-12 batch na nani­ningil. Noong 2018, unang batch ng K-12, 13,000 na lang ang tinanggap ng Pamantasan,” ani Kara Taggaoa ng League of Filipino Student (LFS) na nag-aaral at student regent sa UP.

“So sa ganitong itsura ng batas na kung saan, malinaw na bagama’t libre na ang tuition at iba pang bayarin hindi rin dumarami ang saklaw nito,” ayon pa kay Taggaoa kaya tinutulan ng mga ito ang pagtaas ng tuition sa HEIs.

Kailangan anilang tutulan ang mga pagtaas ng tuition sa HEIs dahil habang pamahal nang pamahal ang edukasyon sa bansa ay parami nang parami naman ang napipilitang huminto sa pag-aaral o ang tinatawag na out-of-school youth.

Ayon kay ACT Teacher Party-list Rep. Antonio Tinio, noong SY 2015-2016, umaabot sa 4.8 milyong kabataan na edad 6-anyos hanggang 24-anyos ang out-of-school youth o 11% na pagtaas sa loob ng limang taon.

Patuloy aniyang dumarami ang mga ito dahil hindi mapigilan ang HEIs sa pagtataas ng matrikula taun-taon at naka­dagdag pa aniya sa problema ang K-12 program kung saan nadagdagan ng taon ang basic education sa bansa.

“Most of them, or almost 3.3 million are aged 16 to 24 years old who are supposed to be in senior high school or college level already. More than half or about 53% of them belong to the poorest families,” ani Tinio kaya ang edukasyon ay parang para na lamang umano sa mga mayayaman.

Ayon pa rin sa Rise for Education, dahil sa K-12 program, ang mga magulang ng mga nag-aaral sa private schools ay na­dagdagan ng P200,000 hanggang P400,000 ang kanilang gastos sa basic edu­cation ng kanilang mga anak dahil sa senior high school o Grade 11 at Grade 12.

Ito ay dahil mula sa kanilang pagtataya na P23,00 hanggang P74,000 na tuition ng SHS kada taon kasama na ang food at transportation na aabot sa P50,000 hanggang P70,000 sa loob ng isang taon; P5,000 na school supplies; P10,000 hanggang P20,000 para sa modules, uniform and miscellaneous expenses at P12,000 hanggang P25,000 para sa required tools and equipments.

Libre ang basic educations sa mga pampublikong elementary at high school subalit hindi pa rin ligtas sa dagdag na gastos ang mga estudyante dahil sa transportasyon, pagkain, uniporme, projects at iba pang bayarin.

“Kahit sa senior high school ay ma­rami rin ang nagtatangka na magtaas ng mga bayarin. So tila ba sinasala ang mga kabataan at hindi lahat ay gustong patapusin ng ating pamahalaan sa kanilang pag-aaral. Sa bagal ay pahihirapan ang mga pamilya na nahihirapan na sa nga­yon,” ayon pa kay Manuel.

Dahil dito, hindi na nagtaka si Elago na patuloy ang pagdami ng mga mahihirap na estudyante ang hindi nakapagpapatuloy at hindi nakapagtatapos sa pag-aaral kahit libre ang basic education at maging ang tuition sa SUCs sa kasalukuyan.

Lalong kinakabahan si Elago na mapipilitan ang SUCs students na tumigil sa pag-aaral dahil sa mga pagtatangka ng mga eskwelahang ito na maningil pa rin sa mga estudyante kahit umiiral na ang Republic Act (RA) 10931 o  Universal Access to Quality Tertiary Education Act.

Ayon kay Elago, pinayagan umano ng CHED ang SUCs ng 141 fees na puwede nilang singilin sa mga estudyante na kung pagsasama-samahin umano ay mas malaki pa sa dapat na bayarang tuition.

Kabilang sa mga 141 bayarin ng mga estudyante sa state universities and colleges ay mga materyales na gagamitin sa laboratory, scannable form, module fees, energy fee, alumni fee, thesis defense fee, approved curriculum, environment seminar, student day fee, linggo ng wika fee, leadership training seminar, academic contest, student film festivals, student forum at marami pang iba.

“Ang esensya ng libreng edukasyon ay ang pagtanggal sa sistema ng koleksyon ng mga bayarin. Ayaw na natin na makahadlang ang kawalan ng pambayad para sa pagkamit ng karapatan sa edukasyon,” ayon pa sa mambabatas.

Nagsimulang ipatupad na umano ang memo na ito ng CHED sa Polytechnic University of the Philippines (PUP) sa Maragondon Cavite at Lopez Quezon dahil nangongolekta ng Certificate of Grade fees.

Sinabi ni Elago na kaya ginawa ang batas ay upang masiguro na walang gagastusin ang mga mahihirap na estudyante subalit dahil sa mga napakara­ming bayaring ito ay tiyak na mahihirapan ang mga kabataan at maging ang kanilang magulang.

Dahil dito, nangangamba si ­Elago na tanging ang mga mayayaman ang makapagtatapos ng pag-aaral at mawawalan naman ng pagkakataon ang mahihirap na makaahon sa kahirapan.

805

Related posts

Leave a Comment