Isa ang Batangas sa mga lalawigang nag-aanyaya para sa mga nais mamundok. Pero ang tinutukoy natin dito ay mga hiker at hindi ang paraang pagrerebelde at pagtatago sa bundok.
Ang isa sa maiaalok sa nasabing lalawigan ay ang Nalayag Monolith na matatagpuan sa bayan ng Lobo. Sa lokal, mas kilala ito sa tawag na Mt. Nalayag.
Napakaganda ng lugar dahil sa tunay na mabundok ito – berdeng-berde ang kapaligiran na hindi mo iindahin ang takot na mapuntahan ito.
Ang gandang hatid ng Nalayag Monolith ay pinatunayan ni Jennylyn Teves, isa sa mga naglakas-loob na inakyat ito.
Ayon kay Jennylyn at ng kanyang mga kasamahan, ang difficulty ng pag-akyat dito ay 6/9 at aabutin ng tatlong oras bago marating ang summit.
Gaya ng ibang bundok, habang binabagtas ang trail nito ay may mga bahay-bahay na makikita at camping sites.
May rock formations sa bundok na ito at hindi uubra ang pagpanik na walang guide lalo na sa mga first timer. Sa tarik ng rock formations ay tunay namang delikado kaya’t ibayong pag-iingat ang kailangan.
“Pang-12 ko na siguro itong akyat sa lahat ng mga napuntahan ko. Syempre, sa bawat pag-akyat katulad nitong sa Nalayag Monolith ay lakas lamang ng loob ang baon ko d’yan,” pagbabahagi ni Jennylyn.
Tulad ni Jennylyn at ng iba pang hikers, nais nilang ulitin ang pag-akyat sa Nalayag Monolith dahil ibang experience talaga ang dala nito. (ANN ESTERNON)
180