Bilang mga Filipino, isa tayo sa malakas kumonsumo ng kape. Malimit pa nito ay sa pag-inom ng iba’t ibang uri nito o may ibang halo na nabibili sa coffee shops.
Taliwas sa sinasabi ng iba, ang pag-inom diumano ng maraming kape ay nakakasama sa ating kalusugan ngunit mayroong bagong pag-aaral ngayon kung saan nagpapatunay na ligtas ito sa atin.
Ayon sa bagong pag-aaral, ang mga taong kumukonsumo ng hanggang 25 tasa ng kape sa bawat araw ay malayo sa peligro at hindi sila mapapahamak sa pagkakaroon ng heart attack.
Ito ang nakita sa isinagawang pag-aaral sa mahigit 8,000 indibidwal sa United Kingdom na isinagawa ng British Heart Foundation (BHF).
Sa nakaugalian at dahil na rin sa nakaraang pag-aaral ay nangamba ang coffee consumers na uminom ng maraming kape. Naroon kasi ang takot ng marami na maaaring makatigas ng arteries kapag nakakainom ng maraming kape sa bawat araw. Sinabi rin sa mga nakaraang pag-aaral na kapag nanigas ang arteries ay tataas ang tsansa na magkaroon ng stress sa puso at naroon din ang nasa peligro na magkaroon ng heart attack o stroke.
Ngunit dahil sa pag-usad ng panahon at mayroong mga bagong pag-aaral ay maiiba rin ang paniwala ng tao bilang kanilang guidelines para sa pagpapatibay ng kanilang mga kalusugan.
Kamakailan lamang sa bagong isinumiteng pag-aaral sa British Cardiovascular Society (BCS) Conference, sinasabi nito na matapos na masuri ang 8,412 indibidwal, napabulaanan nito ang mga nakaraang pag-aaral na nakakasama sa kalusugan partikular sa puso ang sobrang pag-inom ng kape sa bawat araw.
Sa nasabi ring bagong pag-aaral, ang pag-inom ng kape ay nasa tatlong kategorya: ang mga taong umiinom ng kaunti lamang o wala pang isang tasang kape sa loob ng isang araw, mga taong umiinom sa pagitan ng isa at tatlong tasa ng kape kada araw, at ang mga taong umiinom ng mahigit sa tatlong tasa ng kape sa bawat araw.
Ang mga taong kumukonsumo ng mahigit sa 25 tasang kape sa loob ng isang araw ay hindi nahahanay sa nasabing mga kategorya, pero sinabi ng BHF na, “no increased stiffening of arteries was associated with those who drank up to this high limit.”
“This research will hopefully put some of the media reports in perspective, as it rules out one of the potential detrimental effects of coffee on our arteries,” ani Professor Metin Avkiran, Associate Medical Director ng British Heart Foundation sa isang pahayag.
Noong 2018, ang findings sa isang pag-aaral sa tinatayang kalahating milyong British adults ay nagsasabing ang coffee drinkers na ito ay bumaba ang peligro nila na mamatay kumpara sa non-coffee drinkers.
May iba ring pag-aaral na nagsasabing ang substances na nasa kape ay maaaring makapagpababa ng pamamaga at mapaganda ang galaw ng katawan sa paggamit nito ng insulin, na maaaring makapagpababa rin sa pagkakaroon ng diabetes. (ANN ESTERNON)
KEY POINTS
* Ayon sa British Heart Foundation, ang pag-inom ng hanggang 25 tasang kape kada araw ay hindi nakakatigas ng arteries o blood vessels na naghahatid ng oxygen-rich blood mula sa puso papunta sa tissues ng katawan.
* Ang naturang organization ay nag-co-sponsored para sa naturang pag-aaral sa 8,412 katao.
* Sa huling bahagi ng nakaraang taon, ang researchers mula sa University of Southampton sa United Kingdom ay nagkaroon ng kaalaman na ang mga taong umiinom ng tatlo o apat na tasa ng kape kada araw ay mabuting daan para mapababa nila ang tsansa na mamatay nang maaga.
461