(Ni ANN ESTERNON)
Kaisa ang SAKSI Ngayon sa pagdiriwang ng Pilipinas ngayong araw sa ika-121 taon ng ating kasarinlan.
Ang unang deklarasyon ng kasarinlan ng bansa ay naganap noong Hunyo 12, 1898 sa Kawit, Cavite kung saan ang puwersa ng rebolusyonaryong mga Filipino sa ilalim ni Heneral Emilio Aguinaldo ay nagdeklara ng soberanya at kasarinlan ng bansa mula sa pananakop ng mga Kastila.
Ang pagdedeklarang ito ni Heneral Aguinaldo ay nang matalo ang mga Kastila laban sa mga Filipino sa Battle of Manila Bay, na kilala ring Battle of Cavite noong Mayo 1, 1898 sa panahon ito ng Spanish-American War.
Ang Act of Declaration of Independence ay inihanda, isinulat at binasa sa wikang Kastila ni Ambrosio Rianzares Bautista o Don Bosyong, ang lawyer at confidante ni Aguinaldo.
Ang deklarasyong ito ay nilagdaan ng 98 katao kabilang ang isang opisyal ng American Army na sumaksi rin sa naturang proklamasyon.
PAGBABALIK-TANAW
Nagsimula ang rebolusyon ng Pilipinas noong Agosto 1896. Tinawag itong Digmaan ng mga Tagalog ng mga Kastila.
Sa panahon kasing ito nadiskubre ng mga Kastila ang pagkakaroon ng Katipunan, isang anti-kolonyal na lihim na organisasyon.
Ang Katipunan na ito ay nasa pamumuno noon ni Andres Bonifacio na ang tanging hangad sa bayan ay makawala sa 333 taong mapang-abusong pananakop ng mga Kastila. Nilayon ni Bonifacio at ng iba pang Katipunero na tapusin ang pagiging alipin ng mga Filipino sa mga Kastila sa pamamagitan ng armadong pag-aalsa.
Kalaunan ay nilagdaan ng mga Kastila ang isang kasunduan sa mga rebolusyunaryo at nauwi sa pagpapatapon kay Heneral Aguinaldo sa Hong Kong.
Sa pagsiklab ng digmaan ng mga Amerikano sa mga Kastila, naglayag noon ang 61-anyos na Amerikanong si George Dewey mula Hong Kong patungong Manila Bay. Pinangunahan niya ang isang squadron ng U.S. Navy ships na inihanda noong siya ay nasa Hong Kong pa lamang.
Noong Abril 27, 1898 siya ay naglayag mula China sakay ng USS Olympia na may pag-uutos na lusubin na ang mga Kastila sa Manila Bay.
Hating-gabi na nang makarating ang mga pulutong ni Commodore Dewey sa baybayin ng nasabing look noong Abril 30, at kinaumagahan ay nagsimula na silang umatake laban sa mga Kastila.
Sa loob lamang ng anim na oras ay nagapi ng mga Amerikano ang mga Kastila. Isa lamang ang namatay sa hanay ng mga Amerikano sa digmaang ito.
Habang nakikipagdigmaan sina Dewey sa tubig ay sumasalakay naman ang mga tao ni Aguinaldo sa lupa laban sa mga Kastila.
Matapos ang digmaan at pagkaraan ng buwan na iyon ay ibiniyaheng pabalik ng U.S. Navy si Heneral Aguinaldo sa Pilipinas.
PROKLAMASYON NG KALAYAAN
Ang pagpapahayag ng kasarinlan ng bansa ay naganap noong Hunyo 12, 1898 sa Cavite II el Viejo na kilala ngayong Kawit, Cavite.
Ang proklamasyon ay naganap sa pagitan ng alas-4:00 at alas-5:00 ng hapon sa tahanan ng mga ninuno ni Heneral Aguinaldo.
Dito ay iwinagayway ang watawat ng bansa.
Ang watawat ng Pilipinas ay dinisenyo ni Heneral Aguinaldo at itinahi sa Hong Kong sa pangunguna nina Marcela Agoncillo, Lorenza Agoncillo at Delfina Herboza.
Nagkaroon ng pagtatangghal Marcha Filipina Magdalo na noo’y national anthem at kinikilala ngayong Lupang Hinirang, sa komposisyon ni Julian Felipe at itinugtog ng San Francisco de Malabon marching band.
Ang naturang Deklarasyon ay matatagpuan sa National Library, hindi ito naka-public display ngunit maaaring makita kung may permiso.
IBA PANG DEKLARASYON
Matapos na magapi ng mga Filipino ang mga Kastila at magdeklara si Heneral Aguinaldo ng Kalayaan, hindi ito kinilala ng mga Kastila kaya may pagpapatuloy noon ng Himagsikang Filipino.
Dito lumitaw ang pagnanais naman ng mga Amerikano na sakupin ang Pilipinas mula sa mga Kastila.
Sa pamamagitan ng 1898 Treaty of Paris ibinenta ng mga Kastila ang Pilipinas sa mga Amerikano.
Hindi kinilala ng mga Filipino ang soberanya ng mga Amerikano at nasundan ito ng Philippine-American War at dito ay natalo ang mga Filipino. Kalaunan ay pinangakuan tayo ng mga Amerikano na ibibigay nila ang ating Kalayaan at ito ay naganap noong Hulyo 4, 1946.
Nang mamuno na noon bilang presidente si Diosdado Macapagal, inilipat nito sa dati na Hunyo 12 ang kalayaan ng Pilipinas bilang pagkilala sa unang deklarasyon ng kasarinlan na naganap sa Kawit, Cavite. Kinilala ang naturang petsa sa ilalim ng Proclamation No. 28, s. 1962.
Maraming beses nang nagdeklara ng kalayaan ang Pilipinas sa iba’t ibang dahilan:
1895. Si Andres Bonifacio ang unang nagdeklara ng kalayaan ng bansa noong Abril 12, 1895. Ang kanyang pahayag ay isinulat nito sa dingding ng kuwebang Pamitinan na matatagpuan sa Montalban (ngayong ay Rodriguez), Rizal.
Uling ang ginamit na panulat noon ni Bonifacio kung saan isinulat niya sa kuweba ang “¡Viva la independencia Filipina!” o “Long live Philippine Independence!”
1896. Sa pamumuno ni Bonifacio sa Katipunan, pinunit nito ang sedula bilang protesta laban sa mga Kastila, ito ay sa panahon ng Sigaw ng Pugad Lawin noong Agosto 23, 1896.
1943. Ito ay nangyari matapos na ibigay ng mga Hapon sa mga Filipino ang Kalayaan sa panahon ni dating pangulong Jose P. Laurel. Sa panahon yaon ay tinawag itong Second Philippine Republic, isang “Japanese puppet state” na nasakop ng World War 2.
1946. Kinilala ng Amerika ang Kalayaan ng Pilipinas noong July 4, 1946 matapos ang mahabang negosasyon.
568