Marami sa mga Pinoy na mahilig mag-travel na lagi nilang target na maging budget friendly ang getaway ng mga ito.
Sa hindi nais malayo masyado sa Maynila pero adventurous, isa sa mga isla na dinarayo ngayon ay ang matatagpuan sa munisipalidad ng Mauban sa lalawigan ng Quezon – ang Cagbalete Island.
Ang Cagbalete Island ay isang natatagong paraiso dahil sa mga unspoiled beach na naririto.
Popular ang lugar na ito tuwing summer. At kung panahon naman ng tag-ulan ay marami sa mga biyahero o mga turista ang itinataon ang kanilang pagdayo rito kapag maganda ang panahon o sila ang mga nakadepende sa mga weather update na phone application.
At ngayong tag-ulan marami sa mga beach na naririto ay nagbibigay ng malaking discounts para sa mga hindi iniinda kung wala man masyadong pagsilip ng araw sa karagatan.
Kung super tight ang budget maaari namang magdala ng mga baon o magdala ng isang cookset and burner o magtungo na lamang sa mga barangay na malapit lamang dito at kumain sa mga karinderya.
Panalo at binabalik-balikan ng mga turista rito ang naggagandahang beachfront campsites at sa iba pang nakaaakit talagang tanawin.
Kung gusto ninyo talagang maging maganda ang pagdayo sa lugar na ito ay dapat kumpleto kayo sa beach gear, may dala-dalang camera o maganda ang quality photos na makukuha ng inyong phone.
Sa mga hindi pa nakaaalam pero game sa haba ng paglalakbay hindi naman kahirapan ang pagpunta sa Cagbalete Island.
Ang bus terminal na papunta sa Lucena ay nasa Kamias, Cubao, Alabang o sa Buendia. Ang biyahe ay aabot ng tatlo hanggang apat na oras. Pagdating sa Lucena Grand Terminal ay may mga bus na patungong Mauban at lalakbay ito ng dalawang oras. May mga van din naman na mas mabilis ang biyahe na aabot lamang ng isa hanggang isa’t kalahating oras. Kung nais na isang sakayan lang ay may direktang bus mula Manila hanggang Mauban na aabot sa limang oras ang biyahe. Matapos nito ay sasakay ng bangka sa loob ng 45 minuto upang matunton ang mga beach na inyong pagpipilian sa Cagbalete Island.
499