PARUSA SA TSISMOSO, TSISMOSA

TSISMOSA

(Ni ANN ESTERNON)

May mga tao talaga na mga tsismoso at mga tsismosa. Sila ang sina­sabing walang magawang matuwid sa buhay, hindi masaya sa kanilang sariling buhay kaya kinakailangan nilang manira ng ibang tao para matulad ito sa kanila na bitter din sa buhay. Sila yaong mga taong salaula ang pag-uugali at salot ng lipunan.

Ang mga nagkakalat ng tsismis na ito ay maaaring kapitbahay mo, kaopisina, kaibigan at iba pang tao na walang magawa kung hindi ang gumawa ng kwentong pasalungat, nakakasira o kontra sa iba.

Dahil na rin sa teknolohiya ay marami na ring mga tsismoso, tsismosa na nag-level up at ginagamit ang social media tulad ng Facebook, Twitter, at iba pang social networking sites. Ang ganitong uri ng salau-lang pag-uugali ay pinamimihasang gawin dahil inaakalang wala itong kaparusahan sa batas.

Nakakalimutan din ng mga tsismoso at tsismosa na kahit wala ang batas ng tao ay may batas ang karma para sa ugali nilang kahiya-hiya.

Sentido kumon na kapag hindi mo naman buhay ay huwag at hindi makatwirang pakialaman pa at lalong hindi patas ang gawan ng kuwento ang iba para lang masira sila.

Kung may pakikialam sa buhay ng iba na magreresulta sa kasiraan, panggugulo sa kapanatagan ng ka-nilang pag-iisip o peace of mind, at iba pa, ay maaaring kasuhan kayo ng naayon sa batas.

Ayon sa Article 26 ng New Civil Code on Human Relations, sinasabi nito na “ang lahat ng tao ay dapat irespeto ang dignidad, personalidad, privacy o pagsasarili at kapanatagan ng pag-iisip o peace of mind ng kanyang kapitbahay at ng ibang tao. Ang mga sumusunod at katulad na gawain na hindi matatawag na krimen ngunit maaaring panggalingan ng karapatan upang magsampa ng kaso at pagbayarin ng danyos (damages) at iba pang pagbabawal ay:

  1. Pagsilip o pambubulatlat sa privacy ng katabing bahay o tirahan:
  2. Pangingialam o pagdisturbo sa pribadong buhay o family relation of another;
  3. Pang-iintriga upang layuan ang isang tao ng kanyang mga kaibigan;
  4. Pambubwisit o panghahamak/pang-aalipusta ng isang tao dahil sa kanyang religious beliefs, estado sa buhay, lugar ng kapanganakan, physical defect, or other personal condition.

Ang maaaring ikaso sa mga taong nagkakalat ng tsismis ay katulad ng libel at slander. Maaari ring ikaso ang slander by deed na bukod sa paninirang puri ay may kasama itong pisikal na pananakit.

Sa ilalim ng Revised Penal Code, ang slander o oral defamation o paninirang puri ay may katapat na pa-rusang pagkabilanggo at pagbayarin ng danyos.

Ang mapapatunayang luma­bag sa batas ay maaaring kasuhan ng criminal at civil case depende sa lebel ng kanilang pagtsitsismis o paninira. Maaari itong slight, slander o grave oral defamation.

Mabigat ang slander dahil ang epekto ng tsismis ay nagresulta sa malubha at malaking pinsala (halimbawa ang paghihiwalay ng mag-asawa).

Sa kasong libel ay isang uri rin ng defamation o paninirang puri.

Ang defamation ay isang ma­lisyoso at isinasapublikong paratang ng isang krimen, depekto (totoo man o kathang isip lamang), kalagayan at katayuan ng isang tao, bisyo na nagdudulot sa tao ng kahihiyan, kasiraan ng pangalan, at panghahamak. Kasama rin dito ang pagdudungis sa alaala sa namayapang tao.

Kapag ang defamation ay isinulat ito ay libel (Facebook, Twitter, pahayagan, at iba pa). Kapag ito ay sinabi lamang ito ay slander, at slander by deed kapag halimbawa ay sinampal ka (kahit walang sugat) dahil ikaw ay napahiya mula sa ginawa sa iyo.

Sa unang hakbang ng kaso ay dapat gumawa ng sinumpaang salaysay ang nabiktima ng tsismis. Dito nakadetalye ang kanyang nalalaman sa sinasabi ng nagkakalat ng tsismis na susum­paan sa piskal para sa preliminary investigation para hanapan ng probable cause.

Ang slander ay pwedeng sabayan ng kasong alienation of affection (pagpapalayo sa pagmamahal ng isang tao sa iyo) kapag nagresulta ang tsismis sa hidwaan ng mag-asawa, halimbawa, o resulta na hindi ka na makatulog sa gabi dahil sa labis na pag-iisip.

ANG SLANDER AY PINAPARUSAHAN NG BATAS

Sa slight oral defamation ang may sala ay parurusahan ng arresto menor o pagkakakulong ng 30 araw at multang hindi tataas sa P200.

Sa slander o grave oral defamation ang parusa rito ay arresto mayor o hanggang anim na buwang pagkakakulong at may kasamang multa na nakadepende sa estado ng akusado na may pahintulot ng korte.

Depende rin sa magiging hatol sa uri ng tsismis at sa resulta nito, ang may sala ay maaaring parusahan ng batas ng arresto mayor o kulong mula apat na buwan at isang araw hanggang dalawang taon at apat na buwan.

Iba’t ibang tao ang nagkakalat ng tsismis at iba-iba rin ang kanilang mga edad ngunit mas teribleng nakakahiya ito sa mga taong matatanda na dahil parang wala silang aral sa buhay habang nagtatagal sila sa mundo.

Ang payo lagi sa mga tsismoso at tsismosa ay itigil ang pagkakalat ng mga salita tungkol sa ibang tao na ikakasira nila.  Bago ka gumawa ng tsismis ay isipin mo muna kung magugustuhan mong gawan ka rin ng tsismis ng iba, o kung may anak ka, kapamilya, o kaibigan na sasalo sa resulta ng tsismis ng iba. Kaya ang la­ging pakatandaang payo, huwag mong gawin sa iba ang ayaw mong gawin sa iyo ng kapwa mo.

1527

Related posts

Leave a Comment