SONA: MGA PLANO, PANGAKO AT KONTROBERSYA

SONA-2

SAAN DADALHIN NI PDU30 ANG PILIPINAS?

(Ni BERNARD TAGUINOD)

Ngayong hapon, Lunes, Hulyo 22, ay muling haharap si Pangulong Rodrigo Duterte sa samba­yanang Filipino para sa kanyang ikaapat na State of the Nation Address (SONA) simula nang mahalal itong pangulo ng bansa noong 2016.

Tulad ng aasahan, iuulat ni PDu30 ang kalagayan o estado ng bansa at ang mga susunod nitong mga plano sa kanyang ikaapat na taong pamamahala sa gobyerno at inaabangan ito ng mamamayan dahil dito nila ibinabase kung ano ang magiging kalagayan nila sa kasalukuyang administras­yon.

Pero lahat ba ng plano at pangako ng pangulo sa bayan sa nakaraang SONA ay natupad? Ano ang mga naging kontrobersya rito?

KAMPANYA LABAN SA ILEGAL NA DROGA

WODSa kanyang ikatlong SONA noong Hulyo 23, 2018  na napuno ng kontrobersya matapos makudeta si dating House Speaker Pantaleon Alvarez, hindi bababa sa 15 ang isyung panlipunan na binanggit ni Duterte na nais niyang mang­yari at maipatupad.

Nabanggit nito sa kanyang 48 minutong talumpati ang isyu sa giyera kontra ilegal na droga na kanyang ipagpapatuloy sa kabila ng mga protesta laban sa war on drug dahil sa mga inosenteng nadadamay umano rito at pawang mga mahihirap na drug suspect ang napapatay.

Ayon sa pangulo, pinasok na ng sindikato ng droga ang bawat kalsada sa mga probinsya, siyudad, munisipalidad, barangay at mga komunidad sa buong bansa kaya wala itong planong itigil ang war on drugs.

Gayunpaman, mistulang sinusubukan ang tapang ni Duterte dahil matapos ang kanyang SONA noong Hul­yo 23, 2018 ay may duma­ting na kargamento ng shabu sa bansa na nakasilid sa mga magnetic lifter na ayon sa pagtaya ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ay aabot ang halaga nito ng P11 bilyon isang buwang pagkatapos o noong Agosto 2018.

KATIWALIAN SA GOBYERNO

Sa usapin ng katiwalian sa gobyerno, nagpahayag ng pagkadismaya si Duterte sa patuloy na katiwalian sa gobyerno kaya marami siyang kaibigan na kanyang in-appoint sa iba’t ibang posisyon sa gobyerno su­balit sinibak niya ang mgat ito dahil sa alegasyon ng katiwalian.

Ayon sa mga kritiko ni Duterte, hanggang ngayon ay bigo ang pangulo sa kampanya nito sa katiwalian. Patunay dito na bagama’t maraming miyembro na ng gabinete ang inakusahan ng katiwalian at sinibak na sa tungkulin ay hindi naman nakasuhan ang mga ito.

PAGTATAG NG BARMM

Isa rin sa mga ipinangako ni Duterte sa kanyang ikatlong SONA ang pagtatatag ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na kanyang natupad kaya ngayon ay nakaupo na at namumuno na sa bagong gobyerno sa Muslim Mindanao ang mga lider ng Moro Islamic Liberation Front at binuwag na ang Autonomous Region in Muslim Mindanao.

KAMPANYA KONTRA TERORISMO

Pero ang pangako ng pangulo na hindi na makakatapak sa Mindanao ang mga teroristang ISIS ay marami ang kumukuwes­tiyon dahil sa mga pag-atake ng mga terorista sa rehiyon tulad ng nangyaring pagbobomba sa Our Lady of Mount Carmel sa Jolo, Sulu noong Enero 27, 2019 na ikinamatay ng 23 katao.

Bukod dito ang iba pang insidente ng pambobomba na kagagawan umano ng suicide bomber sa tactical command post ng First Army Brigade Combat Team sa Indanan Sulu na ikinamatay ng 5 katao kabilang na ang tatlong sundalo at pagkasugat ng 11 iba pang tropa ng pamahalaan noong Hunyo.

WEST PHILIPPINE SEA AT RELASYON SA CHINA

west12Nilinaw din ni Duterte na ang pakikipagkaibigan nito sa China ay hindi nangangahulugan na tinatalikuran na nito ang pagdepensa sa interes ng Pilipinas sa West Philippine Sea.

Subalit iba ang paniniwala ng mga kritiko ng pangulo rito tulad ni dating Magdalo Party-list Rep. Gary Alejano dahil masyadong mapagbigay si Duterte sa China kaya bukod sa inaagawan na ng mga Chinese ng pagkain ang mga Filipino ay nanganganib ding hindi mapakinabangan ng bansa ang langis at gaas sa nasabing teritoryo na para sana aniya sa susunod na henerasyon.

RICE TARIFFICATION LAW

Natupad din ang ipinangako ng pangulo na liberalisasyon sa industriya ng bigas matapos  nitong lagdaan ang Republic Act No. 11203 o  “an act liberalizing the importation, exportation, and trading of rice, lifting for the purpose the quantitative import restriction on rice” at mas kilala sa Rice Tariffication Law.

Pero nagrereklamo ang mga magsasaka sa batas na ito at ayon kay Butil Party-list Rep. Cecil Chavez, bu­magsak ang presyo ng palay dahil bumagsak sa P14 ang presyo nito mula sa dating mahigit P20 kada kilo.

NAKABITING ANTI-ENDO BILL

Lagda na lamang ni Duterte ang kailangan para maging batas ang Security of Tenure Bill o mas kilala sa Anti-Endo Bill para maipatupad  subalit kinokontra na umano ng employers at chamber of commerce kaya hiniling ng mga negosyante kay Duterte na i-veto ito.

Una nang tinutulan ng mga militanteng mambabatas ang naipasang panukala dahil ang nanaig na bersyon ay sa mga senador kung saan hindi lahat umano ng manggagawa sa pribadong sektor ang mare­regular kundi pili lamang.

THIRD TELECOM PLAYER

Magkakaroon na rin ng third player sa communication industry matapos bigyan ng go-signal ng Duterte administration ang Mindanao Islamic Telephone (Mislatel) at China Telecom na sumali sa industriyang ito.

BORACAY REHABILITATION

boracay1Nagawa rin nang mabilisan ang rehabilitasyon sa Boracay na kilala sa buong mundo bilang pinakasikat na tourist destination sa Pilipinas matapos punahin na nasisira ang nasabing lugar sa kanyang SONA noong nakaraang taon.

Dahil dito, nagsipagkilos at nagtulungan ang iba’t ibang ahensya sa pa­ngunguna ng Department of Environment and Natural Resources, Department of Public Works and Highway, Department of Tourism at mga local government para isaayos ang Boracay at sa loob lang ng ilang buwan ay muling gumanda ang Boracay.

BIGO SA DEPARTMENT OF DISASTER  MANAGEMENT

Nabigo naman ang Kongreso na maipasa ang pagtatatag ng Department of Disaster Management na ipinakiusap ni Duterte sa Kongreso na ipasa dahil sa mga problemang kinakaharap ng bansa sa kalamidad tulad ng malalakas na bagyo at maging ang Tax Reform Acceleration and Inclusion (TRAIN) 2 kaya hindi naging batas ang mga ito.

TOBACCO EXCISE TAX

Lagda na rin ng pangulo ang kailangan para sa dag­dag na buwis na ipapataw sa mga sigarilyo o tobacco excise tax para pondohan ang Universal Health Care Law  o Republic Act No. 11223 na isa sa kanyang ipinangako sa kanyang SONA para matulungan sa pagpapagamot ang mga Filipinong nagkakasakit lalo na ang mga mahihirap.

AMIYENDA SA KONSTITUSYON

PH CONSTIKasama rin sa nais ni Duterte na maisakatuparan ang pag-amiyenda sa 1987 Constitution para palitan ang sistema ng gobyerno tungo sa Federal Form of Government.

Pero ang malimit na ina­abangan ng taumbayan na gustong marinig sa SONA ng pangulo ay ang pagtataas ng kanilang sahod, kung magkakatrabaho ba ang mga ito at pagpapababa sa presyo ng mga bilihin. Ito ang inaasahan para sa solusyon din ng mga kumakalam na sikmura ng maraming Filipino.

255

Related posts

Leave a Comment