(Ni Ann Esternon)
Sa paglipas ng maraming taon, naiiba na rin ang imahe sa pagkilala natin sa kung ano ang tattoo hindi tulad dati na sinasabing ang dekorasyong ito sa katawan ay tanging sa mga bilanggo lamang at mga taong may negatibong pag-uugali. Ngayon ay mas nagiging positibo na sa nakararami ang tattoo at iba na ang pagtingin natin dito.
Ang pagta-tattoo ay nasa katergoyang symbolic, pictorial o purely decorative. Siyempre ang pagmamarka ay depende rin sa nagpapa-tattoo kung ano ito sa kanya. Pero sa tattoo artists, mas malalim ang pagtingin nila rito kaya ganoon na lang din nila ilapat ang tinta sa balat ng gustong mapa-tattoo.
Sinadya ng Saksi Ngayon ang batikang Pinoy tattoo artist na si Ricky Sta. Ana sa kanya mismong sariling tattoo shop na Skinworkz Tattoo and Body Piercing sa Pasay.
Nasa 30 taon na ngayon sa industriya si Sta. Ana na isa rin sa nasa likod ng pagtatatag ng Philippine Tattoo Artists Guild, Inc. o Philtag.
MAY ANGAS, REBELDE
Napunta si Sta. Ana sa industriya ng pagta-tattoo dahil siya ay may ibang imaheng malayung-malayo sa ngayon.
Isang panganay na mula sa mayamang pamilya si Sta. Ana. Siya ay may dugong Chinese.
Kilala siya sa Chinese community sa Maynila sa negatibo niyang imahe at hindi nakapagtapos ng pag-aaral at dahil dito ay halos ma-reject siya ng kanyang pamilya.
Gayunman, hindi niya hinayaang mahinto ang buhay niya sa ganoong sitwasyon. Nagbago siya hanggang sa maalala niyang may talento siya sa pagguguhit. Diyan na nagsimula ang kanyang career.
Sa kanyang husay, marami na siyang namarkahan ng kanyang talento. Marami na rin celebrities ang nagpa-tattoo sa kanya tulad ng Parokya ni Edgar, Kamikazee at iba pa. At hanggang ngayon ay patuloy pa ang mga kilalang personalidad na lumalapit sa kanya dahil sa kalidad ng kanyang mga obra – pagta-tattoo man o piercing.
STA. ANA, MAS PALABAN
Kaswal at magaang kausap si Sta. Ana, hindi rin ito ang unang pakikipag-usap namin sa kanya. Sa gitna ng aming pag-uusap, muli namin siyang tinanong, “Kumusta na ngayon si Ricky Sta. Ana?”
Kaswal, may tapang at ngiti pa rin ang kanyang sagot, “Okay lang may cancer na.”
Tulad ng iba, isa kami sa hindi makapaniwala.
Lumalaban si Sta. Ana sa stage 4 ng gastric esophageal cancer at nasa ikatlong buwan na niya ngayon itong dinadala.
Alam na ito ng kanyang pamilya at ng Philtag. At ayaw niyang gawin siyang benefit show.
Bagama’t mabigat ang kanyang sakit ayaw ni Sta. Ana na siya mismo ang maging beneficiary ng kanyang mga isinusulong na charity projects.
CHARITY: PA-TATTOOLONG
Ang Tattoo to the World ay isang charity project ni Sta. Ana at Philtag na nasa ikalawa na nilang beses na pagtulong sa Kasuso ng Philippine Foundation for Breast Care, Inc.
Ang kailangan lamang ay magpa-tattoo ng “heart ink” sa kanila sa halagang P1,500. Magiging beneficiaries dito ang mga may breast cancer mula sa nasabing foundation.
PHILTAG
Sampu ng kanyang mga kasamahan sa industriya, itinatag nina Sta. Ana ang Philtag na kauna-unahang rehistradong non-profit tattoo artists organization sa bansa na nasa ilalim din ng Security and Exchange Commission.
Inilunsad ang organisasyong ito noong May 18, 1995 na noon ay mayroon lamang 50 miyembro.
Matagal nang opisyal si Sta. Ana sa Philtag at ngayon siya na ang chairman nito at isa sa matagal na niyang kasama rito ay kanilang adviser na si Alfred Guevarra.
Mahigpit ang layunin ng Philtag na accredited ng Department of Health upang masuri rin ang mga miyembro nito na may pagsunod sa tamang paraan kung paano mag-tattoo at kung saan magiging safe ito sa artists at sa customers.
Katuwang din ng Philtag ang Department of Trade and Industry, local government units, at iba pang NGOs para sa kanilang mga layunin.
SUPORTA PA SA IBANG ARTISTS
Sumasali at dumadalo rin si Sta. Ana sa mga international tattoo festival at iba pang activities. Dito ay nais niyang mapabilang ang mga Pinoy tattoo artist sa layon ding magkaroon ng artists na tulad nila Pinoy tattoo artists sa buong mundo.
Sa layunin ding ito ay katuwang din ang ibang mga tao, Philtag para umangat ang iba pang tattoo artists para sa kanilang career at mga pamilya.
TATTOO REMOVAL
Hindi basta-basta ang pagbubura ng tattoo dahil masakit ito at magastos. Kung mamalasin ka, may artist na magsasabing madali at saglit lang ang bubura ng tattoo. Pero magugulat ka dahil hindi agad ito mabubura.
Depende sa uri ng disenyo at sa tintang ginamit, ang pagbubura ng tattoo ay maaaring abutin ng ilang session. Mas maraming session, mas masakit at masakit din sa bulsa.
May nagpapabura dahil sa maling desisyon at kailangan para sa trabaho at iba pa. Kaya naroon lagi ang payo ni Sta. Ana na dapat solido ang desisyon bago magpamarka sa balat.
319