SWAK sa kulungan ang tinaguriang “Spiderman” ng La Loma, matapos mahulihan ng umano’y shabu sa anti-criminality operation ng mga pulis nitong Linggo ng madaling araw sa A. Bonifacio Avenue, Quezon City.
Nabatid sa ulat kay Quezon City Police District PCol. Randy Glenn Silvio, DDDA/OIC, kinilala ang nadakip na suspek na si John Christopher Salalila, 19, binata, walang trabaho at residente ng Manila North Cemetery, Brgy. 372, Zone 37, Manila City.
Sinabi ni PSSg. Christopher Bermejo, investigator ng QCPD Station 1 La Loma, nadakip ang suspek sa A. Bonifacio Avenue malapit sa kanto ng Magnas Street, Brgy. NS Amoranto, Quezon City dakong alas-3:00 ng madaling araw nitong Hunyo 1, 2025.
Ayon pa kay Bermejo, nagsasagawa ng anti-criminality patrol ang mga pulis na sina PSSg. Emiliano Aurelado Jr. at Pat. Rolan Francis Casimiro, ng TMRU La Loma Police, sakay ng isang pribadong motorsiklo sa kahabaan ng A. Bonifacio Avenue nang mamataan nila ang suspek habang tila si “Spiderman” na bumababa sa pader ng North Cemetery.
“Habang pababa ‘yang suspek sa pader ng North Cemetery, napansin ng mga nagpapatrulyang pulis ang kahina-hinalang kilos nito,” sabi pa ni Bermejo.
Sinita agad ng mga pulis ang suspek at akma pa sanang tatakbo subalit agad nahawakan ang kamay nito ng mga awtoridad at nabisto ang maliit na plastic sachet sa kamay nito na naglalaman ng umano’y shabu.
Samantala, itinanggi naman ng suspek na sa kanya ang nakuhang shabu at sinabing napulot lamang niya ito.
Nakuha mula sa suspek ang tinatayang 0.10 grams ng hinihinalang shabu na may street value na P680.
Kasalukuyang nakapiit ang suspek sa naturang himpilan ng pulisya at nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
(PAOLO SANTOS)
