Ang 2020 Olympic Games ang pinakamalaking tsansa ng sport na boxing na magbigay sa Pilipinas ng kauna-unahang Olympic gold medal.
Ngayong Olympics na gaganapin sa Tokyo, Japan, sibak na ang Association Internationale de Boxe Amateur o AIBA bilang punong abala sa sport na boxing.
Ito ang naging desisyon ng International Olympic Committee (IOC) dahil sa matinding pressure at reklamo ng boxing community maging ang mga fans ng sport sa sinasabing garapal na dayaan noong nakaraang 2016 Olympic
Games sa Rio de Janeiro sa Brazil.
Ang IOC na ang siyang magpapatakbo ng boxing sa Tokyo kaya’t asahan ng lahat na magiging patas ang mga scoring at pagre-referee sa mga laro, huwag lamang sana mahaluan ng mga incompetent o yung mga kulang sa kaalaman na officials ang pagpapatakbo ng boxing sa Olympics.
Kung tutuusin, hindi naman natin kailangan na mandaya sa Olympic boxing para lamang tayo ay Manalo.
Patas na scoring lang ang kailangan natin para makakuha tayo ng magandang tsansa na makamit ang mailap na Olympic gold.
Ganito ang dapat natin asahan na mangyayari dahil naka-matyag ang buong mundo sa kung paano makakabawi ang boxing sa maruming imahe nito, at ang pagbawing ito ay makakamit sa darating na Tokyo Games.
Lumipad na patungong Jordan ang Philippine boxing team na pinamumunuan nina World Women’s Boxing gold medalist Nesthy Petecio at World Men’s silver medalist Eumir Felix Marcial.
Sasabak ang national boxing team sa Asian Olympic qualifying event na gaganapin sa Amman, ang capital ng Jordan, mula March 3-11.
Patok sina Marcial at Petecio sa nasabing event at inaasahan na madaling makapapasok ang dalawang boxers sa Olympics dahil anim na slots kada division ang nakalaan bilang Olympic slots.
Bukod sa dalawa, ang beteranong si Ian Clark Bautista ang isa pa sa sinasabing potential na makapasok sa Olympics.
Sapul nang magsimula ang noong 1896, nakalikom pa lamang ang Pilipinas ng tatlong silver medals at pitong bronze medals.
Sa tatlong silvers medals, dalawa dito ay nanggaling sa boxing na ibinigay ni Anthony Villanueva (1964) at Mansueto ‘Onyok” Velasco (1996).
