HINAYAAN muna ng defending champions San Beda University Red Lions na sumabay at paminsan-minsan ay umabante ang Mapua Cardinals sa first half.
Pero, pagpasok ng second half, umarangkada ang Red Lions at tinambakan ang Cardinals, 83-55 tungo sa kanilang ika-16 na sunod na panalo sa NCAA Season 95 seniors basketball tournament sa Filoil Flying V Centre sa San Juan.
Si James Canlas ang umakay sa Red Lions sa ambag na 16 points, 10 rebounds, three assists at three steals.
Habang si Calvin Oftana ay may 15 points, seven rebounds at four assists at ang best player of the game na si Evan Nelle ay nag-contribute ng 14 points, eight assists, three boards at two dimes.
Nagdagdag din si AC Soberano ng 12 points, two rebounds at two dimes para sa San Beda, na itinuloy ang win streak sa 30th sapol pa noong 2018.
Samantala, naitakas ng Perpetual Help Altas ang 85-83 win laban sa College of Saint Benilde Blazers sa unang laro.
Ang nasabing panalo ay nagpaangat sa Altas, 4-10 at nagbigay ng katiting na pag-asa na makausad sa Final Four.
“We just have to get better especially in our practices. We’re not just talking about my starters but the whole team as a whole,” komento ni Perpetual head coach Frankie Lim.
Mula sa 15 points deficit, 42-57, 4:55 ang nalalabi sa laro, inayudahan ni Kim Aurin ang Perpetual sa pagkamada ng 18-1 run para kunin ang driver’s seat, 62-60, halos isang minute na lang.
Ang 6’2” forward na si Aurin ay nagsumite ng 29 points at 10 rebounds para Perpetual na tinapos ang five-game losing skid.
“Maganda ang nilaro ni Kim. Malaking bagay para sa amin yun. For 29 minutes, he made 29 points,” dagdag ni coach Lim.
Ito naman ang ikaanim na sunod na talo ng St. Benilde tungo sa 6-8 win-loss card.
147