Ni VT ROMANO
ISANG taon makaraang magreyna sa Tokyo Olympics at hablutin ang kauna-unahang ginto ng Pilipinas, muling inilagay ni Hidilyn Diaz sa pedestal ang bansa nang mapanalunan ang korona ng women’s 55kg division sa World Championship sa Bogota, Colombia, Miyerkoles (Huwebes sa Manila).
Dinaig ni Diaz sina Rosalba Morales ng Colombia at Ana Gabriela Lopez ng Mexico nang bumuhat siya ng 93 kilograms sa snatch para sa unang ginto, sinundan ng 114kgs sa clean and jerk para sa total 207kgs at ikatlong gintong medalya.
Tumapos namang pampito ang kababayang si Nestor Colonia sa men’s 55kg class.
Habang sina Lovely Inan at Rosegie Ramos, nasa 13th at 17th places (ayon sa pagkakasunod) sa women’s 49kgs division.
Maaaring madagdagan ang medalya ng Pilipinas sa pagsabak pa nina Dave Lloyd Pacaldo (men’s 67kg), Elreen Ando (women’s 59kg), Vanessa Sarno at Kristel Macrohon (women’s 71kg).
KOLEKSYONG MEDALYA KUMPLETO NA
SA kanyang tagumpay sa Bogota, tuluyang nakumpleto ni Hidilyn Diaz, ngayon ay Mrs. Naranjo na, ang kanyang koleksyon ng mga medalya sa lahat ng international weightlifting competitions.
Bagama’t nag-gold na sa Olympics, Asian Games, Asian Championship at Southeast Asian Games, ngayon lang nagkampeon sa World Championship ang Pinay weightlifter, na sa mga nakaraang edisyon ay nag-uwi lang ng tansong medalya sa women’s 53kg noong 2015 at 2017, at sa women’s 55kg noong 2021.
Bago nagsimula ang kompetisyon sa Bogota, paboritong manalo si Homebet Morales. Ngunit dahil sa umano’y injury sa tuhod ay pumangatlo lang siya sa snatch (89kgs) at pangalawa sa clean and jerk (110kgs) at total (199kgs) para sa silver medal finish.
Si Lopez ng Mexico ay nag-silver sa snatch (90kgs), habang bronze sa clean and jerk (108kgs) at overall lift (198kgs). (ANN ENCARNACION)
248