TIGERS PINANA NG ARCHERS

(NI JOSEPH BONIFACIO/PHOTO BY LYLE MARQUEZ)

LARO BUKAS :

(SMART ARANETA COLISEUM)

12:00 P.M. – NU VS UE

4:00 P.M. – ATENEO VS UP

 

PINANA ng La Salle ang UST, 92-77 para sa maugong na pagtatapos ng kampanya nila sa 82nd UAAP men’s basketball tournament first round kahapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Kumamada ng career-high na 29 puntos sa 13-of-22 shooting sahog pa ang limang rebounds at dalawang assists si Encho Serrano upang giyahan ang balanseng atake ng Green Archers.

Sumuporta naman sa kanya si Aljun Melecio na may 26 markers sa anim na tres habang may 13 puntos din si Jaime Malonzo para sa La Salle na umangat sa 3-4 papasok sa krusyal na second round.

Kagagaling lang ng La Salle sa masakit na 71-72 pagkatalo kontra sa UP nitong MIyerkoles matapos luamamang ng hanggang 13 puntos.

Kontra sa UST, ‘di na nagpaawat ang Green Archers sa paghihiganti nito nang paamuhin agad nila ang Growling Tigers sa 42-32 na abante sa first half.

Sinubukang makalapit ng UST sa hanggang limang puntos sa ikatlong kanto subalit determino ang La Salle, sa pangunguna ng 1-2 punch combo nina Serrano at Melecio, na malakas na winakasan ang third frame upang makapagbaon ng 68-57 na abante.

Hindi na napigilan pa ng Tigers ang Green Archers sa fourth quarter nang magtarak pa ng back-to-back tres si Melecio sa huling dalawang minuto para sa komportableng 88-71 lamang tungo sa tagumpay.

Sa kabilang panig, nauwi naman sa wala ang sariling career-high ni Brent Paraiso na 22 puntos para sa UST na bigong masundan ang 82-74 panalo nito kontra sa FEU noong nakaraang linggo.

Nagtala rin ng 16 markers at 14 rebounds sina Soulemane Chabi Yo habang natameme ngayon ang ibang UST aces na sina Rhenz Abando, Mark Nonoy at Renzo Subido.

Nahulog sa 4-3 baraha ang Growling Tigers na bigong makalapit sa lider na Ateneo (6-0) at UP (5-1) papasok sa second round ng UAAP Season 82.

 

 

159

Related posts

Leave a Comment