CASTRO, FAJARDO BAKBAKAN SA BPC

basket44

(NI JJ TORRES)

MUKHANG ang natitira na lamang sa karera para sa Best Player of the Conference award ay sina Jayson Castro at June Mar Fajardo.  Ito’y kahit na napanatili nina Ray Parks Jr. at CJ Perez ang top two spots sa kakatapos lamang na semifinals ng PBA Commissioner’s Cup.

Nasa pangatlo at pang-apat pa rin ang TNT KaTropa guard na si Castro at si San Miguel Beerman Fajardo, na may 33.7 at 32.7 SPs, ayon sa pagkakasunod, para mapalaki ang tsansa nilang mahablot ang BPC award.

Bagama’t nangunguna pa rin si Parks ng Blackwater Elite na may 37.2 SPs at pumapangalawa si Perez ng Columbian Dyip sa kartadang 36.1, malabo na sila sa BPC derby dahil sa hindi pag-abante ng kanilang teams sa semifinals.

Wala pa sa kasaysayan ng PBA na ang nanalo ng Best Player award ay galing sa koponang hindi nakapasok sa semifinals.

Kuwarenta porsiyento lamang ng stats ang gagamiting criteria para sa BPC, habang ang natitirang 60 ay galing sa mga boto ng media (30%), players (25%) at ng PBA Commissioner’s Office (5%).

Malaking tulong din para sa tsansa nina Castro at Fajardo ang pagpasok ng kanilang koponan sa PBA Commissioner’s Cup Finals na nagsimula kagabi sa Smart Araneta Coliseum.

Importante para kay Fajardo na makuha ang kanyang ika-siyam na BPC plum, para mapalakas ang kanyang tsansa na mahablot ang ika-anim na Most Valuable Player award.

Matatandaang nanalo ng Best Player award si Fajardo nang makumpleto ng Beermen ang five-peat sa Philippine Cup.

Pang-limang BPC naman ang minamata ni Castro na magtatabla sa kanya kay Danny Ildefonso sa second all-time.

Samantala, mukhang nasiguro na ni Terrence Jones ng TNT KaTropa ang Best Import award nang lampasan si Justin Brownlee ng Barangay Ginebra San Miguel matapos ang kanilang semifinal series.

Nagtala ng 58.2 SPs si Jones habang bumaba sa second si Brownlee na may 57.2 SPs. Pangatlo naman ang San Miguel import na si Chris McCullough na nagproduce ng 55.3.

298

Related posts

Leave a Comment